249 total views
Ito ang paalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananamampalataya sa ikatlong araw ng misa para sa nobenaryo ng kapistahan ni San Roque, sa San Roque de Manila Parish, Sta. Cruz Manila.
Ayon kay Kardinal Tagle, upang matularan ang ginawang paglilingkod ni San Roque sa mga tao ay kinakailangang matutunan ng tao na makinig sa tinig ng Panginoon mula sa kanilang puso.
Sinabi ng Kardinal na kapag nagmula sa puso ang pakikinig ng isang tao ay dito rin magmumula ang kanyang pagsunod at pagtugon sa mga loobin ng Diyos.
Paliwanag ni Kardinal Tagle, sa ganitong paraan ay nakikipagtipan ang tao sa Diyos at nagkakaroon ng mas malalim na relasyon ay Hesus.
“Ang kautusan ng Diyos hindi na N’ya isusulat sa papel na mababasa, hindi sa mga bato katulad nang binigay kay Moises, ang Kan’yang batas ilalagay na N’ya sa ating puso, upang doon sa ating kalooban, doon tayo makipagtipan sa Kan’ya. Mula sa puso doon natin mapapakinggan ang Kan’yang kagustuhan, at mula sa puso doon din tayo tutugon, aayon sa kalooban ng Diyos.” Pahayag ni Kardinal Tagle.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na mahalagang mabantayan ng tao ang kanyang puso upang matiyak na matutupad nito ang kan’yang tipan sa Panginoon.
Inihayag ng Kardinal na malimit na matukso ang puso ng tao kaya naman madalas nakalilimot sa pakikinig sa kan’yang puso kung saan nagsasalita ang Diyos.
Sinabi ni Cardinal Tagle na kung nakatatak na sa puso at kalooban ng bawat tao ang kanilang tipan sa Panginoon ay hindi ito magagapi ng anumang tukso o pang-aakit ng demonyo.
“Kapag nasa puso ang utos ng Diyos, kahit walang nakakakita, sa puso mo susunod tayo sa Diyos. Doon gusto ng Diyos na mapakinggan natin ang Kan’yang salita sa puso, at sa puso d’yan din tayo tutugon… Ang puso ba pinakikinggan ang Diyos? Kapag pinakikinggan ang Diyos, katipan natin si Hesus. Pero kapag ang puso hindi na ang Diyos ang pinakikinggan kundi ang sarili na lamang, ang tawag don, satanas.” Bahagi ng homiliya ng Kardinal.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Kardinal Tagle na mahalagang bantayan ng bawat tao ang kanilang puso gayundin ang puso ng kanilang kapwa dahil dito magmumula ang pakikipagtipan ng tao sa Diyos.
“Sa puso manggagaling ang ating pagbabago, ang ating pakikipagtipan sa Diyos, ang ating katapatan sa Kan’ya. Kaya alagaan po ang mga puso, at alagaan natin ang puso ng bawat isa, para ang puso natin ang pagmulan ng ating katapatan.” Dagdag pa ng Kardinal.