5,857 total views
Homiliya para sa Miyerkoles ng Abo, 5 Marso 2025, Mt. 6:1-6, 16-18.
Para hindi tayo maligaw tungkol sa sinasabi ni Hesus sa binasa nating ebanghelyo, linawin muna natin kung ano ang hindi niya sinasabi. Hindi niya sinasabi na masama ang gumawa ng kabutihan sa nakikita ng mga tao.
Di ba siya nga mismo maraming beses din siyang gumawa ng mabubuting bagay sa gitna ng publiko? Sa maraming pagkakataon na nagpagaling siya ng mga maysakit, nasa piling siya ng maraming tao. Nakita siya ng ibang tao nang paramihin niya ang tinapay at pakainin ang limang libo, gayundin nang iligtas niya sa kahihiyan ang bagong kasal na naubusan ng alak. Di ba pinagmamasdan daw siya ng mga alagad nang nagdarasal siya at nakiusap pa nga silang magpaturo kung paano magdasal? At di ba siya mismo ginamit niya ang talinghaga ng ilawan na hindi daw dapat itago sa ilalim ng takalan at sinabi sa mga alagad niya: “Hayaan ninyong tumanglaw ang inyong liwanag sa iba upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Diyos Ama sa langit?” Ayun ang punto: ang dapat itawag pansin ay hindi ang sarili kundi ang kabutihan, kabanalan at kagandahang-loob ng Diyos.
Kapag ang tunay na intensyon sa paggawa ng mabuti ay ang itawag pansin ang sarili, walang kinalaman ito sa Diyos. Iba yung gumawa ng mabuti at may taong nakakita at nagvideo nito na di mo alam at pinost ito at nag-viral dahil maraming na-inspire, kesa doon sa masyadong obvious na pagtataas ng sariling bangko para sabihin sa madla: ang bait ko ano? Ang banal ko, ano?
Kaya siguro ang Tagalog translation ng hypocrite ay “Pakitang tao.” Kunwari gumagawa ng mabuti sa kapwa, iyon pala gusto lang gamitin ang kapwa para sa sariling agenda o para itawag-pansin ang sarili. Ang tunay na isyu pala ay pagkukunwari o panlilinlang na hindi salita ang gamit kundi gawa.
Pwede nating lokohin ang kapwa pero pwede ba nating lokohin ang Diyos na nakakakita sa itinatago natin sa kaloob-looban natin? Narinig natin kung paano inulit-ulit sa ebanghelyo: “Ang Diyos na nakakakita sa nakatago ang siyang gagantimpala sa iyo.” Pwede bang mangyari na ang nakikita at inaakala nating mabuting gawain ay mayroon palang hindi mabuting intensyon o layunin na hindi natin nakikita, pero nakikita ng Diyos? Tatlong gawain ang tinutukoy sa ebanghelyo: una, ang di-nakikitang kawanggawa. Pangalawa, ang di-nakikitang kabanalan. At pangatlo, ang di-nakikitang penitensya.
Una, ang di nakikitang kawanggawa, ay wala daw hinihintay na kapalit. Hindi naman lahat ng regalo ay totoong regalo di ba? Ang iba ay suhol o padulas. Ang iba ay hindi lang “with strings attached” kundi lubid at tanikala—parang patibong. Hindi lahat ng tinatawag na ayuda ay totoong ayuda na galing sa salitang Kastila na ang ibig sabihin ay tulong o pagkakawanggawa. Ang iba ay pampautang-na-loob may hinihintay na bayad, o diretsuhin na natin—pambili ng boto. Masama na nga kahit sariling pera ang gamit para pambili ng boto. Ang mas masahol ay ang nanggigisa sa atin sarili nating mantika. Tulad ng gumagamit ng pondong pampubliko bilang pork barrel na kunwari gagamitin sa kawanggawa. Pero makapangyarihan kahit pirma lang ni Congressman na pang-dialysis. Hindi kawanggawa ang tawag sa ganyan kundi pananamantala sa kahirapan ng mga dukha. Ano ang mapapala ng bayan kapag ganyan ang iniluluklok natin sa puwesto bilang lingkod-bayan? Kapag ang turing sa pondong gubyerno na galing sa mga buwis ng mamamayan ay personal na pondo.
Pangalawa: ang di nakikitang kabanalan. Sabi ni propeta Joel sa unang pagbasa (Joel 2:12): “Ang puso ang warakin hindi ang damit.” Simbolo lang ng pag-aayuno ang abo sa noo. Ang tunay na mahalaga ay ang paalala nito: na magpakumbaba, na huwag kalilimutan na tayo’y alabok at sa alabok magbabalik. Si propeta Isaias naman ang minsan ay nagsabi (Isa 29:13): “Pinupuri ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, pero malayo sa akin ang kanilang mga kalooban.” Sa habag, malasakit at kabayanihan nakikita ng Diyos totoong kabanalan. Ang debosyon na walang pagibig ay parang moro-moro lamang. Nakikita ng Diyos ang nakatagong pagkakaiba ng pagpapakabanal at pagbabanal-banalan.
Pangatlo: ang di-nakikitang penitensya. Sa Isaias 58:5-7, naitanong minsan ng propeta sa bayan, “Ito ba ang klase ng pag-aayuno na hinihingi ko? Ang yumukong parang tambo, ang maligo sa abo at magsuot ng basahang gula-gulanit? Hindi ba ito ang ayuno na ikinalulugod ko: ang makitang magpalaya sa mga nakagapos sa tanikala ng pagkaalipin, ang magpagaan sa mga pasanin ng nabibigatan, ang magbahagi ng makakain sa nagugutom, o nang masisilungan sa mga palaboy…? Walang saysay ang mag-ayuno sa karne pero oorder ng oorder ng African seabass sa mamahaling restoran. Huwag naman nating tawaging penitensya kung ang intensyon ay magreduce o magpaseksi. Di ba mas makabuluhang penitensya kesa bawas kanin ang bawas-oras sa social media?
Ang magsanay sa di-nakikitang penitensya, kabanalan at kawanggawa—ito ang tunay na layunin ng panahon ng kuwaresma.