410 total views
Hinikayat ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na higit palaganapin ang kawanggawa sa lipunan.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Baguio Bishop Victor Bendico, chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Liturgy binigyang diin nito na ang paglingap sa kapwa partikular sa higit nangangailangan ay isang gawaing kalugod-lugod sa Panginoon.
Ito ang tugon ng obispo sa lumaganap na ‘community pantries o kindness stations’ sa buong bansa na tumutulong makapagbigay ng pagkain sa mamamayan na labis naapektuhan ng krisis pangkalusugan.
Ayon sa opisyal, ang pagtulong sa kapwa ay nakaugat sa dakilang pag-ibig ng Panginoon at pagsasakatuparan sa misyon ni Hesus sa sanlibutan na tulungan ang mahihina at mahirap na sektor ng pamayanan.
“Let us continue to be charitable, to be kind, to be compassionate to our brothers and sisters for they reflect the true heart if God. They are signs of God’s kingdom here on earth,” pahayag ni Bishop Bendico sa panayam ng Radio Veritas.
Marso 2020 kasabay ng pagpatupad ng community quarantine sa buong bansa nagtatag ang Cartias Philippines ng mga kindness stations sa iba’t ibang diyosesis, arkidiyosesis, prelatura at apostolic vicariate.
Bukod pa ito sa ginagawang relief operations ng Caritas Manila katuwang ang business sector na namahagi ng mahigit isang bilyong pisong halaga ng gift certificates, food items at hygiene kits sa mga maralitang tagalunsod kung saan humigit kumulang sampung milyong indibidwal ang natulungan.
Nitong Abril 2021 naman sinimulan ni Ana Patricia Non ang Maginhawa Community Pantry sa Quezon City na agad lumaganap sa buong bansa at kasalukuyang umabot na sa isanlibong community pantries.
Iginiit ni Bishop Bendico na ang nasabing gawain ay paalala sa bawat isa na ang kawanggawa ay mabuting bunga sa pagibig ng Diyos.
“They remind us that at the end of our earthly pilgrimage, our love for God and neighbors yield fruits that are lasting,” dagdag ni Bishop Bendico.
Tiniyak ng simbahan ang pagpapatuloy ng mga gawaing makatutulong maibsan ang paghihirap ng mamamayan sa epekto ng coronavirus pandemic lalo na sa pagpapalago ng espirituwalidad ng bawat mananampalataya.