237 total views
Hindi lamang magsasaka, kundi maging ang mga mangingisda at mga nag-aalaga ng mga hayop ang apektado ngayon ng El Nino sa bansa lalo na sa Bohol.
Dahil dito, ayon kay Rev. Fr. Warlito Salise, Social Action Center Director ng Diocese of Tagbilaran, gaya ng maraming lalawigan sa Mindanao, idineklara na rin ang state of calamity sa Bohol bunsod na marami ng naapektuhan ng tagtuyot.
Kabilang na dito ang pagkatuyo na rin ng mga palaisdaan, kakulangan ng mga damo na pagkain ng mga hayop gaya ng mga baka, kalabaw at kambing lalo na ang mga sakahan na natuyot na kayat kakaunti o kundi man walang ani ang mga magsasaka gaya ng mga palay, mais, gulay at iba pang crops.
“Naapektuhan ang mga magsasaka, pagtatanim ng palay, mais gulay at iba pang crops maging ang mga livestock, even fishpond nawalan ng tubig, yung nagbibigay pagkain sa atin yun ang mga apektado, affected ang mga livestock kasi apektado yung mga kinakain nilang (hayop) mga damo, naka-harvest ang ilan pero kakaunti dahil ang iba nasira ng tagtuyot.” Pahayag ni Fr. Salise sa panayam ng Radyo Veritas.
Maliban sa Bohol, kamakailan, pitong lalawigan din ang isinailalim sa state of calamity kabilang ang Davao Del Sur, Cotabato, Maguindanao, Basilan, Isabela, Quirino at Bukidnon maging ang mga lungsod ng Zamboanga, Kidapawan, General Santos, Cotabato at Koronadal.
Una ng inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang Laudato Si na pangalagaan natin ang kalikasang ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang hindi makaapekto ng labis sa mamamayan ang mga kalamidad gaya ng El Nino na isa sa epekto ng climate change kung saan mahihirap ang labis na naaapektuhan.