189 total views
Mga Kapanalig, sa matagal na panahong napaloob tayo sa pandemyang kinakaharap hanggang ngayon, mayroong mga frontline health workers na hindi gaanong nabibigyang-pansin. Ngayong napupuno ang mga ospital sa Kamaynilaan at humihingi ng saklolo ang mga health workers dito, ang tugon ng gobyerno ay ang magpadala ng mga health workers mula sa ibang mga rehiyon upang tumulong sa mga ospital sa Metro Manila.
Ngunit lingid sa marami, mayroon tayong mga health workers na naroon mismo sa mga komunidad, sa mga barangay health units, na maaaring makapagbigay ng agarang atensyong medikal at payo bago pa lumala ang mga sintomas ng mga maysakit. Doon din dapat sana nakatuon ang suporta ng pamahalaan upang mas mabisa silang makatugon sa mga nangangailangan ng atensyong medikal bago pa lumala ang kanilang mga sakit at mangailangang dalhin sa ospital.
Sila ang totoong mga frontliners. Sa public health system natin, ang mga ospital ay nasa dulo o panghuling tagapagbigay-lunas sa mga maysakit, kaya nga ang tawag sa kanila ay “tertiary” health facilities. Ang “primary” o pangunahing tagapagbigay-lunas ay ang mga health care facilities sa ating mga barangay na mas malapit at madaling puntahan ng mga tao. Kung ayaw nating dagsain ang mga ospital ng mga maysakit, Covid-19 man ito o iba pang mga sakit, mas mainam kung sa barangay health unit pa lamang ay nalalapatan na sila ng gamot o nabibigyan ng payo kung ano ang dapat gawin upang hindi lumala ang kanilang sakit.
Isang bansang nagawa ito nang napakahusay ay ang Thailand. Ang apat na dekada ng pagpupundar sa primary health care infrastructure at pagtamo ng universal health coverage ay napakinabangan nang husto sa mabilis na pagpuksa ng pagkalat ng Covid-19 sa nasabing bansa.
Sa pagtugon sa isang krisis, napakahalagang ang mga taong pinakamalapit sa mismong nakararanas ng problema ay nagiging bahagi ng solusyon. Maging ang ating Panginoon ay ganito ang naging paraan sa pagbibigay niya ng solusyon sa pagkagutom ng libu-libong mga taong nakikinig sa kanyang pangangaral nang walang mapakain sa kanila ang Kanyang mga disipulo. Matutunghayan natin ito sa Mateo 14:15-18. Iminungkahi ng mga disipulo kay Hesus na pauwiin na lamang sila upang kanya-kanya silang humanap ng makakainan. Subalit ano ang ginawa ni Hesus? Kinuha Niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda mula sa isang batang lalaki, at matapos Siyang makapagpasalamat ay napakain Niya hanggang mabusog ang higit limanlibong tao. Isinasama ng ating Panginoon ang mga nakararanas ng suliranin at ginagamit ang anumang munting kakayahang mayroon sila upang masolusyonan ito nang sama-sama at hindi sa nagkakanya-kanya.
Sa ating pagtugon sa kasalukuyang krisis na dulot ng pandemya, alalahanin nating ang mga taong nagtutulungan ay may magagawa tungkol sa kanilang kalagayan. Kung may sapat na mga health workers sa mga barangay health centers, sapat na mga kagamitan, gamot, at mga materyales na maipamamahagi sa mga tao upang turuan sila kung paano bigyang-lunas ang unang mga sintomas ng Covid-19 at iba pang mga sakit, bago pa lumala ang mga ito, hindi dadagsain ng mga maysakit ang mga ospital. Kailangang bigyan ang mga barangay health centers ng sapat na mga gamit at gamot na maaaring ipamahagi sa mga tao upang sila mismo ay maging kaagapay at katuwang sa kanilang pagpapagaling.
Mga Kapanalig, binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan ang prinsipyo ng subsidiarity na nagsasaad na ang anumang kayang gampanan ng isang indibidwal o ng mas mababang antas ng isang organisasyon tulad ng pamahalaan, ay hindi dapat ipagkait sa kanila o agawin ng mga nakatataas.[2] Lalo pang dapat silang tulungang pagyamanin ang kaya nilang gawin. Ang ganitong pagbibigay-halaga sa kakayanan ng mga tao ay nagpapatunay rin sa angking dignidad ng bawat isa.
Sumainyo ang katotohanan.