173 total views
Mga Kapanalig, habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa halos 39 milyong Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19. Nagsimula na rin ang pagbibigay ng booster dose upang mas palakasin ang kakayanan ng katawan natin laban sa iba pang variants ng virus. Samantala, ilang linggo na ring mababa sa isang libo ang bilang ng mga bagong kaso ng mga nag-positive, at ang active cases natin ngayon ay maikukumpara sa naitala noong mga unang buwan ng pandemya. Ayon sa Department of the Interior and Local Government (o DILG), nakamit na ng 23 siyudad ang tinatawag na herd immunity kung saan 70% ng target na populasyon ang fully vaccinated na. Ito ang itinuturong dahilan kung bakit pababa ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 na hudyat naman ng pagluluwag ng mga restrictions at pagpayag na lumabas ang mas marami sa atin.
Kung inyong matatandaan noong nagsisimula ang pagdami ng mga kaso ng mga nagpopositibo, malakas din ang panawagan upang mabilis na bakunahan ang mga Pilipino upang hindi na lumala pa ang sitwasyon. Ngunit hindi iyon naisagawa ng ating pamahalaan dahil na rin sa kakulangan ng suplay ng bakuna sa buong mundo. Inuna rin ng mayayamang bansa ang kani-kanilang mga mamamayan sa mga prayoridad nilang bigyan ng bakuna, kaya naantala ang paghahatid ng bakuna sa mga maliliit at mahihirap na bansang katulad natin.
Ang equitable distribution o patas na access ng mga bansa sa mga bakuna ang matagal nang binibigyang-diin ni Pope Francis. Sa kanyang mensahe noong Pasko ng nakaraang taon, hiniling ng Santo Papa sa mga lider ng mga bansang magtulungan sa pamamahagi ng bakuna at bigyang prayoridad ang mga mamamayang isinasantabi at iniiwan sa kani-kanilang bansa. Sa ganitong paraan, tunay na maitataguyod ang dignidad ng tao at naisasabuhay ang pagkiling sa mahihirap, mga batayang prinsipyo sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan.
Marami naman tayong natanggap na donasyong bakuna mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng COVAX facility ng World Health Organization (o WHO). Ngunit mas marami ang bakunang binili ng pamahalaan, at malaki ang ginastos natin para sa mga ito. Ang ipinagmamalaking dalawang milyong doses na donasyon ng pamahalaan mula sa China ay kakatiting lamang kung ikukumpara sa 52 milyong doses na binili natin.
At alam ba ninyong tanging ang Pilipinas lamang sa buong Asya ang bansang hindi nagpo-produce ng bakuna para sa sarili nitong populasyon? Ayon iyan sa Balik Scientist ng Department of Science and Technology (o DOST). Malaki sana ang matitipid natin kung sa mismong bansa natin ginagawa ang mga bakuna, hindi lamang para sa COVID-19 kundi para sa iba pang sakit na maaaring maiwasan. Magbibigay din ito ng suporta sa mga Pilipinong dalubhasa at siyentipiko upang linangin ang kanilang kaalaman sa sarili nilang bayan para sa kapakinabangan ng kanilang mga kababayan. Kaya naman, itatatag ng ating pamahalaan ang Virology Science and Technology Institute of the Philippines na magsisilbing research facility kung saan tututukan ang iba’t ibang virus at ang mga sakit na dala ng mga ito upang makalikha ng angkop na bakuna. Magandang balita ito at sana ay mabigyan ito ng sapat na suporta ng pamahalaan.
Mga Kapanalig, hindi pa natin nakikita ang pagtatapos ng pandemya, at tiyak na may mga susulpot pang mga sakit sa mga susunod na panahon. Kaya marapat lamang na palakasin natin ang larangan ng siyensya sa ating bansa kung gusto nating tunay na maging matatag sa harap ng mga krisis pangkalusugan. At mahalagang nabibigyan ng pagkakataon ang ating mga mahuhusay na siyentipikong linangin ang kaalamang ayon nga sa Mga Kawikaan 2:6 ay bumubukal sa karunungang kaloob ni Yahweh.