574 total views
Magdasal ng Santo Rosaryo bilang isang bayan at pamilya na alay sa Mahal na Birheng Maria.
Ito ang tagubilin ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa lahat ng mga pari, chaplains at mga civilian at men and women in uniform sa kapistahan ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria.
“We also enjoin yung mga pari, yung mga chaplains at saka ang lahat ng mga constituents na talagang magdasal as a nation, magdasal as a family lalong lalo na yung rosary, ialay natin sa Mahal na Birhen.” Paanyaya ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo ng Military Diocese, mahalaga ang pagkakaroon ng malalim na debosyon sa Mahal na Ina lalo na ng mga kawani ng puwersa ng pamahalaan na humaharap sa iba’t-ibang delikadong misyon.
Ipinaliwanag ni Bishop Florencio na pambihirang kapanatagan ang dulot ng debosyon sa Mahal na Inang Maria lalo na sa gitna ng kawalan ng katiyakan dahil sa kanyang pagiging katangi-tanging tagapamagitan kay Hesus.
“Napakahalaga po sa amin, napakahalaga po sa men and women in uniform ang kanilang devotion sa Mahal na Ina dahil unang-una alam natin kung meron tayong Ina ay talagang panatag tayo at alam natin na hindi tayo pababayaan dahil Ina natin yan, dapat tayong mga Katoliko ay magkaroon din ng malalim na debosyon para sa Mahal na Ina.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Saklaw ng Military Ordinariate of the Philippines ang pangangasiwa sa paggabay sa buhay espiritwal ng mga kawani ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management & Penology (BJMP) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Sa datos ng Catholic Hierarchy katuwang ni Bishop Florencio sa pangangasiwa sa military diocese ang nasa 160 na mga pari sa 75 parokya sa buong bansa.