7,331 total views
Hinimok ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang mga mananampalataya na palalimin ang pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima upang magsilbing ehemplo si Maria sa banal na pamumuhay at walang pag-aatubiling pagsunod sa Panginoon.
Ito ang mensahe ng Obispo sa Episcopal Coronation ng Imahen ng Our Lady of Fatima of Urduja sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima of Urduja sa nasasakupan ng Diyosesis ng Novaliches.
Ayon sa Obispo, mahalagang maisulong ang pagdedebosyon sa Mahal na Birheng Maria upang magamit ito at maisabuhay ang layunin ng Panginoon na ang bawat isa ay makapamuhay ng banal at naayon sa layon ng Diyos.
Ito ay dahil katulad ni Maria, panalangin ni Bishop Gaa na ang bawat tao higit na ang mga mananampalataya ay maging huwaran sa kautusan ng Diyos.
Sa pamamagitan nito ay magiging laman ng puso ng bawat isa ang mabubuting gawain higit na para sa kapwa at sama-samang paglalakbay bilang nag-iisang simbahan.
‘Si Maria ang pinakadakila at unang-una disipulo ni Hesus at napakagandang tignan nito bilang pagtalima ng sanlibutan sa tulong ni Maria, sa pakikiisa ni Maria sa Atin, si Mari ay pumasok din sa masalimuot na mundo at sa kabila nang lahat ng iyon siya’y naging tapat sa Panginoon, sa kaniyang pagsunod sa kaniya kaya nawa tularan natin si Maria sa kaniyang pagtalima, sa kaniyang pagpapakumbaba,’ ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Gaa.
Inaanyayahan naman ni Father Aris De Leon – Parish Priest ng Diocesan Shrine of Our Lady of Fatima of Urduja ng Diocese of Novaliches at Radio Veritas Hello Father 911 Anchor ang mga mananampalataya na palalimin ang pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima.
Ito ay upang maging pamamagitan ang pagdedebosyon sa Birhen ng Fatima sa paghilom ng mundo at pamamayani ng kapayapaan sa lipunan kasabay ng higit na pananalig sa Panginoon.
Ayon sa Pari, sa pamamagitan din pilgrimage sa kanilang Dambana ay maisasabuhay pa ang Jubilee Year na may temang ‘Pilgrims of Hope’ dahil anumang oras ay maaring ipahayag ang pagdedebosyon kung saan ipapanalangin ng mga bibisita ang pag-iral ng kapayapaan sa Pilipinas higit na sa buong mundo.
“Ito po sa Diocesan Shrine and PArish of Our Lady of Fatima, makakatagpo kayo at matatanggap niyo ang kapayapaan na galing sa ating Mahal na Birhen ng Fatima, inaanyayahan ko po kayong pumunta dito at kayo po ay yayakapin at uuwing may taglay na kapayapaan at pagbibiyaya galing sa Mahal na Birhen ng Fatima ng Urduja ang Ina ng Lungsod ng Caloocan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Fr.De Leon.
Taong 1972 ng itatag ang Dambana sa Urduja Village ng Caloocan sa nasasakupan ng Diocese of Novaliches bilang SubParish ng pagdedebosyon sa Sacred Heart of Jesus.
Sa paglipas ng panahon, dahil sa pilgrimage kung saan higit na nakilala ang Dambana ay naitalaga sa panunguna ng dating Arsobispo ng Maynila Jaime Cardinal Sin ang simbahan sa pagdedebosyon sa Mahal na Birhen ng Fatima at kinalaunan ay naging Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima of Urduja.