3,458 total views
Hinikayat ni World Apostolic Congress on Mercy (WACOM) Episcopal Coordinator for Asia, Antipolo Bishop Ruperto Santos ang mga delegado sa 5th Asian Apostolic Congress on Mercy na gamiting pagkakataon ang pagtitipon para mas mapalalim ang pang-unawa sa dakilang habag at awa ng Panginoon.
Ito ang mensahe ng obispo sa pagsisimula ng AACOM na isinasagawa sa IEC Convention Center sa Cebu City mula October 14 hanggang 19.
Ikinalugod ni Bishop Santos ang pagbubuklod ng mahigit tatlong libong delegado mula sa 61 diyosesis ng Pilipinas at siyam na bansa sa Asya.
“In this spirit of unity and as we begin our Pilgrimage of Hope, we welcome each of you with open hearts, grateful for your presence, participation, and prayers. Let us embrace this opportunity to deepen our understanding of mercy, forgiveness, and the enduring bond that connects us all,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Binigyang diin ng opisyal na ang pagdalo ng mga delegado ang patunay ng maunlad na pananampalatayang nakaugat kay Kristo na pinagmulan ng Divine Mercy.
Paliwanag ni Bishop Santos na ang aktibong pakikilahok sa AACOM ay magdudulot ng mas matibay na samahan ng mananampalataya upang maging matatag ang simbahang katolika.
Iginiit din ng obispo na ang sama-samang pananalangin ng mga deboto ay magandang pagkakataon upang higit na maipaabot at maialay sa Diyos ang kahilingan ng sangakatauhan lalo na sa kasalukuyang kalagayan ng sanlibutan na higit kinakailangan ang habag at awa ng Panginoon.
“As we gather today to celebrate the profound and boundless grace of Divine Mercy, we are reminded of the infinite love and compassion that flows from the heart of our faith. This special occasion invites us to reflect on the transformative power of mercy in our lives, and to come together as a community united in devotion and prayer,” giit ni Bishop Santos.
Pinasalamatan ng obispo ang Archdiocese of Cebu sa pamamagitan ni Archbishop Jose Palma sa buong pusong pagtanggap sa hamong maging host archdiocese sa Asian Congress gayundin ang Archdiocese of Cebu Divine Mercy Ministry na pinamunuan ni Imma Alfon na nanguna sa pagtanggap sa mga delegado at nangasiwa sa pangkabuuang gawain.
Binuksan ang gawain sa pamamagitan ng banal na misang pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown sa Basilica Minore del Santo Niño de Cebu kasama sina Archbishop Palma, Bishop Santos at iba pang mga bisitang obispo at pari.
Unang ginanap ang Asian Divine Mercy Congress noong 2009 sa Manila habang ang ikaapat na WACOM naman o pandaigdigang pagtitipon ng mga deboto noong 2017 sa Pilipinas.