6,620 total views
Hinakayat ni Motivational Speaker at Light of Jesus Family Preacher Bro. Arun Gogna ang mga charismatic communities ng Pilipinas na mas palawakin ang pagmimisyon sa buong pamayanan.
Ayon kay Gogna dapat pangunahing gawain ng mga charismatic groups ang paglingap sa mga nalalayo at nananamlay ang pananampalataya upang sa tulong ng Espiritu Santo ay muling mapag-alab ang pag-ibig at pakikipag-ugnayan sa Panginoon.
“We need to reach the unchurch that is where we grow not staying as one community yung parang tayo-tayo lang, we have to open the doors of our community to reach new people,” bahagi ng pahayag ni Gogna sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng renowned speaker na ito ang mabisang paraan upang mas mapalago ang simbahang katolika at higit na mapagtibay ang pananampalataya ng mamamayan.
Hamon pa nito sa mga kapwa charismatic na gamitin ang karismang nababatay sa paggalaw ng Espiritu Santo upang mahikayat ang ‘unchurch people’ na manumbalik sa krisitiyanong pamayanan at maging aktibong kasapi sa paglalakbay ng simbahan.
Paanyaya ni Gogna sa bawat isa lalo na sa mga nawawalan ng pag-asa at pananampalataya na muling damhin ang pag-ibig ng Diyos na kumakalinga.
“Allow the Lord to embrace you. Come join the community, join the church, go back to mass, go back to Jesus,” paanyaya ni Gogna.
Si Gogna na mahigit apat na dekadang aktibo sa charismatic renewal ang isa sa mga nagbigay ng panayam sa 3-day CHARIS National Convention na ginanap sa IEC Convention Center sa Cebu City nitong October 4 – 6, 2024 sa paksang ‘To Bring the Good News to the Poor’.
Humigit kumulang 2, 500 delegado mula sa daan-daang charismatic communities ng iba’t ibang diyosesis sa bansa ang dumalo sa pagtitipon na inorganisa ng CHARIS Philippines sa pangunguna ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP).