182 total views
Ito ang layunin ng muling pagbubukas sa ikapitong Segunda Mana Expo ng Caritas Manila na ginanap sa Victory Mall sa Monumento Caloocan City ngayong araw na ito ika – 24 ng Hulyo.
Dahil dito, inaanyayahan ni Rev. Fr. Anton CT Pascual ang Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas 846 ang mga mamamayan na bumili ng mga segunda manang gamit sa abot kayang halaga upang makatulong na rin sa mga Benepisyaryo ng Segunda Mana project.
Ibinahagi ni Fr. Pascual na ang kikitain ng Segunda Mana ay itutustos sa mga kabataang nais mag-aral ngunit walang sapat na kakayahang Pinansiyal.
“Ang napagtitindahan dito ay itutulong natin sa ating scholarship program ng Caritas Manila mayroon tayong 5-libong scholar sa buong Bansa.” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ang mga gamit na ibinebenta sa Segunda Mana ay mga donasyon mula sa mga Kumpanya, Grupo at Indibidwal na nakikiisa sa adhikain ng Simbahang Katolika na abutin ang higit na nangangailangan sa lipunan.
Layunin din ng Caritas Manila na palawakin ang Scholarship program na Youth Servant Leadership Program (YSLEP) upang mas marami pang kabataan ang makapag-aral.
“Inaasahan po nating makapagpapaaral pa tayo at makapagpatapos ng mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.” dagdag ni Fr. Pascual.
Bukod sa Scholarship program ay natutulungan din ng Segunda Mana, ang halos 400 pamilya sa pamamagitan ng mga livelihood program kung saan bumibili ito ng mga Segunda manang mga gamit at muling ibinebenta sa kani-kanilang mga lugar.
Samantala, nagpapasalamat naman si Fr. Pascual sa pamunuan ng Victory Malls sa pangunguna ni Mr. Nelson Ching sa kabutihang loob na maglaan ng puwesto para sa Segunda Mana Charity Outlet sa anim na Establisimiyento ng Victory Malls.
Ayon naman kay Ms. Ricci Mangio, ang namumuno sa Leasing Department ng Victory Malls, ang pagbibigay ng libre sa mga Espasyo ng Caritas Manila sa kanilang mga Malls ay bilang pakikiisa sa mga Proyekto ng Simbahan na paglingap sa mahihirap na Sektor ng lipunan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, mahalagang matulungan ang mga maliliit na Sektor na kadalasang naisasantabi sa lipunan.