512 total views
Walang mahirap na hindi kayang magbigay at tumulong sa kaniyang kapwa. Ito ang mensahe ng mga kindness stations at community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong panahon ng pandemya ayon kay Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo sa panayam ng Barangay Simbayanan.
“Sa pagpapakain natin, isang gawain ng shepherd yan… to provide for the food of the flock at ngayon sa pamamagitan ng ating Alay Kapwa sa Pamayanan ay nakakatulong tayo dyan,” ayon kay Obispo.
Inihayag ni Bishop Pabillo na dulot ng napakahabang quarantine sa Pilipinas na umabot ng isang taon ay mas higit na ang kailangan ng publiko.
Inihayag ng Obispo na sa ngayon ay kakaunti na ang natatanggap na ayuda mula sa nasyonal at local na pamahalaan kaya’t ang bawat isa na ang kumakalinga sa kanyang mga kapitbahay sa pamamagitan ng community pantry.
“The community is taking care of one another,” ayon kay Bishop Pabillo.
Patuloy din ang panawagan ng Obispo sa mga higit na nakakariwasa sa buhay na maging bahagi ng pagtutulungan at gawing inspirasyon ang pagiging bukas palad.
Mula ng umiral ang pandemya noong nakalipas na taon, pinasimulan ang mga kindness stations ng Caritas Philippines na layong magbigay ng libreng pagkain lalu na sa malalayong lalawigan. At sa muling pagpapatupad ng enhanced community quarantine makalipas ang isang taon ay higit sa 300 community pantries ang nagbigay ng kagyat na ayuda sa mamamayan.