189 total views
Hinimok ng Social Action Center ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan ang kanilang Sangguniang Bayan na patatagin ang batas sa kanilang komunidad na mangangalaga sa kalinisan sa isla ng Coron.
Ayon kay Father Ed Pariño, Social Action Director ng Diyosesis, kinakailangang maalarma na ang mga lokal na pamahalaan ng Coron at iba pang bahagi ng Palawan sa nangyayaring suliranin ngayon sa isla ng Boracay.
Iginiit ng Pari na dapat maagapan ang pagdami ng mga basura at pagdumi ng tubig dagat upang mapreserba ang mga naggagandahang isla sa Pilipinas at patuloy na magkaroon ng kabuhayan ang mga lokal na residente.
“Ang nakikita ko dito sa Sangguniang Bayan kasi dapat magpasa sila ng ordinansa, kasi talagang dapat silang maalarma kasi yung Boracay ay ano na [dumumi na]. Dito sa Coron sa totoo lang wala pa kong naririnig, hindi siya talaga ganoon ka ano [aktibo] pagdating sa environmental awareness.” pahayag ni Father Pariño.
Naniniwala din ang Pari na mahalaga sa pangangalaga sa kalikasan ang pagsasakripisyo ng mamamayan at ng lokal na pamahalaan.
Inihalimbawa pa ni Father Pariño ang paghihiwalay ng mga basura sa loob ng tahanan na siyang mabuting simula upang maipalaganap ang proper waste segregation at disposal.
Gayunman, sinabi ng Pari na mawawalan rin ito ng saysay kung wala namang kaakibat na ordinansa sa waste segregation at recycling ang mga munisipyo.
“Kaya yung homily ko ang sabi ko ay dahan-dahan, patience yung kinakailangan at sacrifice talaga yung segregation na dapat talaga ay comprehensive. Kung ginagawa sa mga household, dapat ay mayroong kaakibat itong ordinansa sa munisipyo na kung saan yung collection ng waste ay magkakahiwalay yung nabubulok sa hindi nabubulok at sa recyclable.”pahayag ng pari sa Radio Veritas
Matatandaang nitong Pebrero inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources na linisin o i-rehabilitate ang isla ng Boracay, matapos tumambad sa Pangulo ang maraming namuong coliform sa tubig dahil sa hindi maayos na waste disposal ng mga resort sa Boracay.
Lumabas naman sa ulat ng Environmental Management Bureau ng DENR sa Western Visayas, na ang antas ng coliform bacteria sa isang drainage outlet na diretso sa dagat sa bahagi ng Bulabog Beach sa Boracay ay umaabot na sa 47,460 most probable number (mpn) per 100 milimeter (ml), kung saan ang ligtas na antas na maaaring paliguan ng mga tao ay 1,000 mpn per 100ml lamang.