1,309 total views
Hinamon ng mga katutubong kabataan ang pamahalaang Panlalawigan ng Palawan upang tutulan ang iba’t ibang gawaing pumipinsala sa mga likas na yaman ng lalawigan.
Ayon kay Ugnayan National Indigenous Youth Network Chairperson Mamilmar Dubria, Jr., kalunos-lunos ang naranasan ng mga residente ng Brooke’s Point dahil sa biglaang pagbahang puminsala sa mga pananim at buhay ng mga tao.
Pagbabahagi ni Dubria na noo’y tuwang-tuwa pa ang mga tao dahil itinuturing nilang biyaya ang ulan sa kanilang mga pananim, ngunit napalitan ito ng pangamba dahil sa naging epekto ng malawakang pagbaha.
“Nakakatakot at nakakalungkot ang ganoong karanasan para sa ating bayan na kinikilala bilang isang magubat na lugar ngunit naranasan natin ang isang nakakikilabot na pagbaha,” pahayag ni Dubria.
Iginiit ng katutubo na dapat nang kumilos at manindigan ang lokal na pamahalaan ng Brooke’s Point upang ipagtanggol ang mamamayan na direktang apektado ng mga nangyayaring kalamidad.
Nananawagan din si Dubria sa Palawan Council for Sustainable Development at Department of Environment and Natural Resources na lumikha ng mga programa at tuntuning pipigil sa tuluyang pagkasira ng pinakakaingatang kagubatan ng Palawan, at hindi na ito magdulot pa ng anumang panganib sa mga tao.
“Huwag po tayong magtago sa apat na sulok ng ating opisina, bagkus lumabas po tayo at alamin natin kung ano nga ba ang karanasan, at nararanasan ng mga tao sa paligid natin,” giit ni Dubria.
Itinuturing ang Palawan bilang “the Last Ecological Frontier of the Philippines” dahil napapanatili pa rin nito ang 50 porsyento ng orihinal na kagubatan.
Nauna nang kinondena ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ang mga mapaminsalang gawain sa Palawan tulad ng unti-unting pagkaubos ng mga kagubatan dahil sa patuloy na pagpuputol ng punongkahoy at operasyon ng pagmimina na nagiging dahilan naman ng pagbaha sa lalawigan.