1,711 total views
Gisingin ang diwa ng kabayanihan, at tumulong sa pagpapalaya ng bansa mula sa kahirapan.
Ito ang mensahe ni Speaker Martin Romualdez bilang pakikiisa sa sambayanang Filipino sa pagdiriwang ng ika-125 taon ng Araw ng Kasarinlan.
Kinilala ng mambabatas ang kabayanihan ng mga Filipinong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaang tinatamasa ngayon ng bansa.
Binigyan-diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na matuto mula sa aral na iniwan ng ating mga bayani gaya ni Gat Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikan sa Pilipinas.
Panawagan din ni Romualdez na maging sa kasalukuyan panahon ay kinakailangan pa rin ang mga bayani gaya ni Bonifacio subalit hindi para maghimagsik kundi para pangunahan ang paglaban sa kahirapan at kagutuman na nararanasan ng mga Pilipino.
“Laban din ito para wakasan ang kagutuman. Laban para maranasan ang ginhawa sa buhay. Laban para matiyak ang magandang kinabukasan. Maging bayani para iangat ang buhay ng pamilya. Kumilos para maging bahagi ng solusyon sa mga problema ng bayan. Maging bayani para sa bansa at para sa kapwa,” dagdag pa ni Romualdez.
Nangako naman ni Speaker Romualdez na gagawin ng Kamara de Representantes ang mandato upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na mananatiling nakatuon ang atensyon ng Kamara sa pagpasa ng mga panukalang batas upang magpatuloy ang magandang kalagayan ng ekonomiya para sa pakinabangan ng mga Pilipino.