223 total views
Hiniling ng CBCP Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care na sa unang 100 araw ni Pangulong Rodrigo Duterte na palayain na ang mga matatagal ng nakakulong sa New Bilibid Prison.
Ayon kay Bro. Rodrigo “Rudy” Diamante, executive secretary ng komisyon, panawagan nila sa Pangulo na partikular na palayain ang mga nasa 30 taon ng nakabilanggo na mga maysakit, matatanda at yung mga wala ng dalaw.
Sinabi ni Diamante na nagsumite na sila ng listahan sa Board of Pardons and Parole (BPP) ng mga pangalan ng mga matatagal ng bilanggo subalit tila ito ay nababalewala.
Umaasa din ang kalihim ng komisyon na ibabalik ni Pangulong Duterte ang tradisyon na nagbibigay ng parole tuwing kapaskuhan na hindi naipatupad ng nagdaang administrasyong Aquino.
“Panawagan sa 100 days ni Duterte, palayain na ang mga nakakulong ng 30 years, mga maysakit matatanda na mga walang dalaw, may listahan na kaming ibinigay sa Board of Pardons and Parole, eh hindi natututukan yun eh…tradisyon naman ang presidential clemency tuwing pasko, sana ibalik ito kasi sa time ni PNoy walang binigyan ito,” pahayag ni Diamante sa panayam ng Radyo Veritas.
Sa record ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong September ng 2015, nasa 94, 320 ang mga bilanggo sa buong bansa kung saan nasa 321 ang mga bilanggo na may edad 71 pataas.