175 total views
Inisyatibo ng grupo ni dating Senador Bongbong Marcos ang “Palit Bise” rally sa Quirino grandstand.
Ito ang paniniwala ni Veritas 846 Senior Political Advisor Prof. Ramon Casiple – Executive Director ng Institute for Political and Electoral Reform kaugnay sa isinagawang rally kahapon sa Luneta na pinangunahan ng dalawa sa kilalang tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Jimmy Bondoc at Moca Uson.
Ayon kay Casiple, malinaw na inisyatibo ng kampong Marcos ang “Palit Bise” rally at hindi sangkot dito si Pangulong Duterte matapos nitong ipatigil ang impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
“Walang officiallity [hindi official] yan as far as president is concerned, so the initiative is coming from other direction ang pinaka suspect diyan ay yung mga Marcos dahil si Bong Bong naman talaga ang kalaban niyan, yung mga personalities itong mga organizers had a press conference before at sila basically ay identified with the Marcos,” pahayag ni Casiple sa panayam ng Programang Veritas Pilipinas.
Naunang inihayag ni Casiple sa Radio Veritas na na walang matibay na batayan ang impeachment complaint na isinampa sa pangalawang pangulo kung ibabatay lamang ito sa ipinadala niyang video message sa pagpupulong ng United Nations Commission on Narcotics Drug.
Read: http://www.veritas846.ph/impeachment-complaint-kay-robredo-walang-basehan/
Tinatayang mahigit $46,000 o P2.3 milyon ang pondong nalikom ng mga organizers para sa naturang pagtitipon kung saan karamihan ay donasyon mula sa mga volunteers at pulitikong taga suporta ni President Duterte.
Samantala sa panlipunang turo ng Simbahan ukol sa politika, sinasabing nararapat na maging seryoso at walang anumang pansariling interes ang bawat opisyal ng bayan sa posisyon at kapangyarihan, upang tapat at dalisay nitong mapaglingkuran ang taumbayan.