1,835 total views
Sa nalalapit na pagdiriwang ng simbahang katolika sa rurok ng pananampalatayang Katoliko, ipinaliwanag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga simbolo sa makahulugang pagpapakasakit ni Hesus para sa kaligtasan ng sangkatauhan.
Sa programang Pastoral visit on-the-air sa Radio Veritas, sinabi ni Bishop David na ang Linggo ng Palaspas o Palm Sunday ay tinatawag bilang Passion Sunday – o ang pagsisimula ng Mahal na Araw-ang pasyon ni Kristo.
Ito ay naging tanyag bilang ‘Palm Sunday’ na ayon sa kasaysayan ay ang pagsalubong ng mga tao kay Hesus tangan ang dahon ng olibo.
“Sa liturgical calendar of the church is not Palm Sunday but Passion Sunday at ito na yung beginning ng Commemoration of Passion Death and Resurrection of the Lord Jesus Christ that begins with triumphant of Jesus sa Jerusalem at ‘yun ang simula ng kwento ng mga ebanghelyo tungkol sa passion of Jesus,” paliwanag ni Bishop David.
At katulad ni Kristo ang dahon ng olibo ay karaniwan ding makikita na tangan ng mga martir ng simbahan na nangangahulungan ng pakikiisa sa paghihirap ng Panginoon.
Ipinaliwanag din ng obispo na ang asno at hindi kabayo ang sinakyan ni Kristo sa pagpasok sa Herusalem, dahil ang batang asno ay simbolo ng kapayapaan.
“Galing ito sa Zechariah 9:9 doon galing yung image of non-violence parang the Lord coming riding on a colt ibig sabihin hindi siya magdadala ng kaharasan. Hindi siya gagamit ng sandata and magiging consistent ang Panginoon doon sa message niya nung non-violence,” ayon kay Bishop David.
Habang ang kabayo ay karaniwang ginagamit ng mga sundalo na may tangang armas pandigma.
Ang mga simbolo ay nagpapakita na si Hesus na bagama’t hari ng santinakpan ay dumating sa Herusalem, hindi para iligtas ang mga tao mula imperyo sa pamamagitan ng karahasan bagkus ay ang pagtalima sa nais ng Ama para sa kaligtasan at katubusan ng sangkatauhan mula sa pagkakasala.