573 total views
Hinimok ng Department of Agrarian Reform ang simbahan na makipagtulungan sa mga proyektong kapaki-pakinabang sa mga mamamayan.
Ayon kay Agrarian Secretary John Castriciones mahalagang magtulungan ang lahat upang mas lumago at matulungan ang mga mahihirap.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng inilunsad na proyektong ‘Buhay sa Gulay’ sa Quezon City.
Nais ni Castriciones na maging kabahagi ang simbahan sa mga proyektong tulad ng urban gardening na isinusulong ng DAR at mga lokal na pamahalaan.
“Gustong gusto natin [DAR] na ang mga taong simbahan ay talagang ma-involve dito [urban gardening]; I am encouraging all different dioceses, all parishes to cooperate with us so that we can work together and we will be able to sustain this kind of project,” pahayag ni Castriciones sa panayam ng Radio Veritas.
Unang inilunsad ang proyekto sa St. John Bosco Parish sa Tondo Manila noong Nobyembre sa halos isang ektaryang football field kung saan nitong Enero umabot sa halos P50, 000 ang kinita para sa 1000 kilo ng iba’t ibang uri ng gulay na inani sa ginanap na harvest festival.
Kinilala ng DAR ang pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan sa matagumpay na ‘Buhay sa Gulay’ sa tondo kung saan kumita ito ng 50-libong piso sa unang ani na makakatulong sa pamayanan.
Sa tulong naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pamamagitan ni Mayor Joy Belmonte, naglaan ito ng pitong ektaryang lupa sa New Greenland, Barangay Bagong silangan para sa proyekto ng tanggapan na makakatulong na mabawasan ang kahirapan at kagutuman.
Sa taya naman ni Castriciones aabot sa mahigit pitongdaang metriko tonelada ng gulay ang aanihin sa bawat ektarya at kapakipakinabang sa pitumpong residente na direktang benispiyaryo ng proyekto.
Una nang nanawagan ng pagtutulungan ang simbahang katolika sa pamahalaan para sa kapakanan at kapakinabangan ng nasasakupan.