820 total views
Napapanahon nang tutukan ng pamahalaan ang bagsak na ekonomiya ng Pilipinas na nagpapahirap sa pamumuhay ng mga manggagawa.
Ayon kay Sonny Africa – Executive Director ng Ibon Foundation, libu-libong pamilya na ang naghihirap dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo na pinalala ng mababang minimum wage.
“Mas dumarami ang mga Pilipino, daan-daang libong pamilya ang masasabi na lalong maghihirap ngayon dahil nabawasan sila ng kita, ikalawang indikasyon yung pagbaba ng bilang ng may trabaho at pagbaba nung kalidad ng trabaho lalong hihina ang ekonomiya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Africa.
Iginiit ni Africa na mahalagang matukoy ng pamahalaan na ang pagbaba ng unemployment rate ay hindi hudyat ng pagbuti ng ekonomiya.
Ipinaliwanag ni Africa na kabila ng pagbaba sa 2.50-million ng unemployment rate ay bumaba sa 47.6-milyon ang mga manggagawang mayroong trabaho.
Ibinahagi din ni Africa na tumaas ang bilang ng mga manggagawang ‘Part-time workers’ ng 310-libo na sinabayan ng 7.7%-inflation rate noong October 2022.
Iminungkahi naman ni Africa ang patuloy na pagbibigay ayuda ng pamahalaan upang mapalakas ang purchasing power at makabili ng pangunahing pangangailangan ang nakakarami.
Sa pag-aaral ng Ibon Foundation noong nakaraang buwan ng Setyembre 2022 ay 1,133-pesos kada araw ang family living wage ng pamilyang mayroong 5-miyembro.
“Nakakalungkot yun kasi ito yung dapat pinagbabatayan ng gobyerno sa pagtakda ng minimum wage ng sa bansa yung paghahabol doon sa kinakailangan ng isang pamilya ng manggagawa o ordinaryong Pilipino para mamuhay ng disente,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Africa.
Patuloy naman ang pakikiisa ng Church-people Workers Solidarity (CWS) na pinamumunuan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza upang makamit ng mga manggagawa ang panlipunang katarungan hinggil sa pagkakamit ng sapat na suweldo at benepisyo.