2,852 total views
Ikinabahala ng Bayay Sibuyanon ang nangyayaring mining operation sa Sibuyan Island, Romblon.
Ayon kay Rodne Galicha, pangulo ng grupo na patunay lamang ito na mas sinasang-ayunan ng pamahalaan ang mapaminsalang pag-unlad sa halip na pakinggan ang panawagan ng taumbayan na pangalagaan at pagyabungin ang mga likas na yaman ng bansa.
Ang mining operation sa Sibuyan Island ay hawak ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na kamakailan lamang ay binigyan na ng mineral ore export permit mula sa Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau.
“This mining company has no barangay clearance and municipal business permit! Where is the DENR foreshore lease contract and [Philippine Ports Authority] permit to construct private port? Our environmental defenders are now fighting for our rights on the ground.” pahayag ni Galicha.
Magmula noong Miyerkules, 24-oras na binabantayan ng Sibuyan Island environmental defenders ang isinasagawang nickel ore hauling ng APMC sa bahagi ng Sibuyan Island.
Hinamon naman ni Galicha ang mga opisyal ng mga apektadong bayan na manindigan at makipagtulungan para mapigilan ang operasyon ng Altai Mining at hindi na umabot pa sa labis na pinsala sa kalikasan at kapahamakan sa mga tao.
Tinukoy din ni Galicha ang Philippine National Police na maging huwaran at tuparin ang tungkuling itaguyod ang kaligtasan at seguridad ng mga apektadong mamamayan.
“I urge our local leaders and authorities to hold the line and be with the people especially that the local government did not issue any business permit. To the PNP, don’t attempt to defend the mining company – you must look for their barangay clearance and municipality business permit. This mining company has caused us so much pain, division, hatred and anger.” saad ni Galicha.
Sa ginanap na public hearing noong January 22, 2023, pinagtibay ng mga opisyal ng Barangay España, San Fernando, Romblon ang 25-year mining moratorium ordinance na layong pigilan ang pagpasok ng mga mining companies sa Sibuyan Island.
Ang nasabing ordinansa ay isusumite sa Sangguniang Bayan ng San Fernando upang suriin at agad na ipatupad para sa kapakanan ng mga likas na yaman ng Sibuyan Island at mga residente.