40,428 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang Caritas Philippines na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga human rights violation sa bansa partikular na ang naging marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang pakikipagtulungan sa ICC ay hindi isang pagsuko o kahinaan sa bahagi ng pamahalaan sa halip ay isang ganap na pagpapamalas ng dedikasyon na isulong ang katotohanan at katarungan sa pagpapanagot sa mga nasa likod ng madugong anti-drug campaign.
Partikular na nanawagan ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga mambabatas sa Senado at Kongreso gayundin sa puwersa ng pamahalaan upang makipagtulungan sa isasagawang imbestigasyon ng ICC sa bansa.
“We urge the government, the Senate, the House of Representatives, and the Philippine military to welcome the ICC and extend their full cooperation. This is not a sign of weakness, but a demonstration of our commitment to the rule of law and the Filipino people’s right to the truth.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Ipinaliwanag ng Obispo na buo ang paninindigan at pakikiisa ng Simbahan sa paghahanap ng katarungan ng mga kapamilya at biktima ng War on Drugs upang tuluyang mapanagot ang lahat ng responsable sa pagkamatay ng libo-libong mamamayan.
“We stand with the victims and their families… The ICC investigation is not a witch hunt, but a crucial step towards ensuring justice and accountability for those responsible.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Umaapela naman si Caritas Philippines Executive Director Fr. Antonio Labiao, Jr. sa pamilya Duterte na maging bukas sa pakikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC upang mapatunayan na wala silang kinalaman o kasalanan sa mga human rights violation sa bansa.
Iginiit ng Pari na kung talagang inosente ang pamilya Duterte ay walang dapat na ikatakot ang mga ito sa imbestigasyon ng ICC sa halip ay dapat na makipagtulungan upang lumabas ang katotohanan at mabigyang katarungan ang mga biktima ng karahasan sa lipunan.
“If the Dutertes, are truly confident in their innocence, they should have nothing to fear from the ICC. Why obstruct an investigation that seeks the truth? Why deny justice to the countless victims?” bahagi ng mensahe ni Fr. Labiao.
Sa tala ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) aabot ng halos 9,000 katao ang nasawi sa ilalim ng War on Drugs ng administrasyong Duterte habang sa tala ng iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas ay mahigit sa 20,000 ang mga nasawi na malayo naman sa datos ng pamahalaan na tanging 6,200 lamang ang naitalang nasawi sa gitna ng police operations sa bansa.