20,114 total views
Umapela ang Church People Workers Solidarity sa pamahalaan na gamitin ang tatlong buwang extension ng jeepney franchise consolidation upang pag-aralang mabuti ang hakbang.
Iginiit ni Father Noel Gatchalian, chairman ng CWS-National Capital Region na patuloy na banta ang franchise consolidation sa kabuhayan ng mga traditional jeepney drivers at operators.
“Yung extension na three months, hindi makaka-solve yun, dapat talaga baguhin yung pamamaraan ng modernization kasi napapansin namin na yung pagpapalakad nito, parang ginagawa nilang negosyo na mag-aangkat ng jeepney o ‘yari na’ na mga Mini Bus na galing sa ibang bansa, parang yan ang nangyayari, kaya sila, pinagpipilitan silang sumali sa kooperatiba,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Gatchalian.
Panalangin ng Pari na gamitin ng mga opisyal ng pamahalaan ang pinalawig na oras upang maintindihan ang kalagayan ng sektor at itigil na ang agarang pagbabawal sa pagbiyahe ng mga traditional jeepneys.
Ito ay dahil sa pag-aaral ng mga kabilang sa jeepney sector na aabot sa 200-libong jeepney drivers at operators ang mawawalan ng kabuhayan kung saan lubha ring maapektuhan ang mga pamilya na kanilang sinusuportahan.
“Palagay ko ang mangyayari dito, kung sakaling masusunod ang actual na programa ng modernisasyon ay tataas ang pamasahe ng mga commuters kaya dapat pag-isipan at palagay ko naman itong tatlong buwan na ito ay isang pagkakataon para magkaroon ng panibagong pananaw tungkol sa modernisasyon,” bahagi pa ng mensahe ni Father Gatchalian.
Magugunitang ito ang ika-walong extension ng jeepney franchise consolidation matapos palawigin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hakbang hanggang April 30, 2024.