420 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mag-isip ng mga konkretong solusyon na makakatulong sa pagpapanatili at pangangalaga ng kalikasan at buhay ng tao.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan, Northern Mindanao Regional Representative ng CBCP, ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawiin ang ‘mining ban’ sa bansa ay magdudulot sa tuluyang pagkasira ng natural na sistema ng kapaligiran.
Sinabi ng arsobispo na nauunawaan nito ang malaking pangangailangan ng ekonomiya ng bansa ngunit hindi ito nangangahulugang ipagsapalaran ang kapakanan ng kalikasan para lamang muling makamtan ang pag-unlad ng bansa.
“There is a need to really treat this with a balanced perspective and bias for the ecology,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiitc ng opisyal na marami pang mga alalahanin ang dapat na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan tulad ng pagsusulong sa ‘Renewable Energy’ na tinalakay sa United Nations Climate Change Conference of Parties o COP26 Summit noong nakaraang taon.
Ipinaliwanag ni Archbishop Cabantan na higit na makakatulong ang renewable energy sa pagkakaroon ng malinis na enerhiya sa bansa, gayundin ang malinis na hangin kumpara sa pagtatayo ng maraming coal-fired power plant na ang nilalabas na maitim at mapanganib na usok ay nakakaapekto rin sa kalusugan ng mga tao.
“There are other concerns that we need to look into like our source of energy as discussed in COP26 Summit. We are still building more coal-fired power plants for instance, but is this really a solution? How we take care of the ecosystem will certainly impact our lives,” saad ng arsobispo.
Magugunita nitong Disyembre 2021 nang bawiin ng Administrasyong Duterte ang nationwide ban on open-pit mining na nagbunsod upang muling makapagsagawa ng operasyon ang mga mining companies sa bansa.
Kaugnay nito ay nanawagan din ang Alyansa Tigil Mina na ang pangyayaring ito nawa’y lalong mahikayat ang mga makakalikasan na piliin at iboto ang nararapat na kandidato ngayong Eleksyon 2022 na tunay na ipagtatanggol ang kalikasan laban sa patuloy na pagkasira.