202 total views
Nanawagan ang International Organization na Oceana sa pamahalaan na protektahan ang likas na yaman ng Benham Rise laban sa banta ng China.
Ayon Marianne Saniano, Marine Scientist at Campaign Leader ng grupo, nananatiling malinis at 100-porsiyento ang coral cover ng Benham Bank, ang pinakamababaw na bahagi ng Benham Rise habang ang mesophotic reef nito ang nagsisilbing tahanan at pangitlugan ng iba’t-ibang uri ng isda.
“Yung mga recent studies on mesophotic reef ay nagsasabi na potencial siyang maging source and refuge ng mga shallow species especially sa panahon natin ngayon na may climate change at destruction sa habitat. Iyon ang importansyta na maprotektahan natin ang Benham Bank,” ani Saniano sa Radio Veritas
Sa pag-aaral ng Oceana, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at University of the Philippines noong 2016, nadiskubreng may tinatayang 200 species ng isda na nabubuhay sa Benham Rise kabilang ang tiger shark, hawkfish at pacific bluefin tuna na isa sa pinakamahal na isda sa mundo.
Patuloy ang ginagawang kampanya ng grupo sa tulong ng Biodiversity Management Bureau at mga ahensya ng gobyerno upang proteksyunan at ipreserba ang Benham Bank.
Hinihimok naman ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananapalataya na alagaan ang karagatan at ang lahat ng marine species na naninirahan dito.