1,036 total views
Inihayag ng isang pari na nararapat mabigyan ng hanapbuhay ang mamamayan lalo na ang mahihirap.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, ito ay upang matulungan ang mga Filipinong labis na naapektuhan sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ibinahagi ng Pari ang katotohanan na limitado ang kapasidad ng mga mahihirap sa pagbili ng mga pangkaraniwang pangangailangan dahil sa napakataas na presyo nito bunsod ng maliit na kinikita.
“Unang – una kailangan i-capacitate ang mga mahihirap, mabigyan sila ng trabaho. Definitely yung mga mahihirap ang apektado ng price hike, lalabas nito na limited na ang kanilang capacity to procure yung mga commodities lalo pa itong mapapahina yung kanilang kapasidad na makabili ng mga pangangailangan nila sa araw-araw.” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa pag-aaral ni University of the Philippines School of Statistics Dean Dennis Mapa, ang pagpapataw ng 3 pisong buwis sa langis na ginagamit sa transportasyon ng mga tao at kalakal ay nagpapataas ng Inflation ng halos isang porsiyento sa mga mahihirap sa lipunan.
Ipinaliwanag ni Fr. Secillano na tanging magagawa ng Simbahan ay ang pagbibigay ng libreng pagsasanay at paghahatid ng mga programang pangkabuhayan bilang pagtugon sa pangangailangan ng tao dahil ang usaping pang ekonomiya ay nangangailangan ng isang dalubhasa sa nasabing larangan.
Sa pangkabuuang turo ng Simbahang Katolika ay mahalagang mapangalagaan ang kapakanan ng bawat indibidwal lalo na ang mahihirap kabilang na dito ang pagtataguyod sa dignidad at karapatan ng tao kung saan napapaloob ang pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at tirahan.
Samantala, nais ng Department of Energy na amyendahan ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law upang suspendihin ang muling pagpataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang pagtaas ng presyo ng langis na nakakaapekto sa presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa.
Unang nagpahayag ng pagtutol ang Simbahang Katolika sa pagsasabatas ng TRAIN Law sapagkat apektado nito ang buong sambayanan lalo na ang mga mahihirap at walang sapat na pinagkakakitaan.