222 total views
Nananawagan sa pamahalaan ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ayusin ang sistema ng kalusugan sa muling pagtaas ng mga kaso ng coronavirus sa bansa.
Ayon kay Camillian Priest Fr. Dan Vicente Cancino, Executive Secretary ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, nawa’y higit pang paigtingin ng Administrasyong Duterte at ang mga lokal na pamahalaan ang sistema ng kalusugan sa bansa bilang tugon sa epekto ng pandemya.
Ipinaliwanag ng pari na bagama’t mayroon nang bakuna laban sa virus ay marami pa ring pagkukulang ang pamahalaan sa pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakit lalo’t higit sa COVID-19.
“Magandang siguro kumatok din tayo sa ating gobyerno na patatagin [at] palakasin ‘yung health systems natin in response to COVID-19. Marami pa ring aspeto doon sa health systems natin na hindi napapatatag,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Cancino na karamihan din sa mamamayan ang umaasa sa tulong ng mga lokal na pamahalaan dahil ito ang mas madaling malapitan lalo na’t muling ipinatutupad ang mahigpit na panuntunan upang maging ligtas sa banta ng virus.
“Hindi kaila na may mga local government units na ginagawa talaga ‘yung kanilang makakaya, ngunit may mga iba rin na kulang pa. Kaya nga dapat mapaigting pa ‘yon [health system], ma- monitor ang performance din ng mga local government units sa performance ng COVID-19,” ayon kay Fr. Cancino.
Binigyang pansin naman ni Fr. Cancino ang sistema ng pangongolekta ng datos para sa mga nagkakaso ng COVID-19 na nawa’y mapabuti pa ito ng pamahalaan lalo’t higit ng Department of Health dahil ito ang pinagbabatayan sa paglikha ng mga desisyon sa pagtugon sa pandemya.
Samantala, tiniyak naman ng opisyal ng CBCP na patuloy na isasagawa ng simbahan ang pagpapalaganap ng kaalaman upang maiwasan at mapigilan ang epekto ng COVID-19 na dapat isaalang-alang ng publiko.
Gayundin ang pagpapalalim ng pananampalataya ng mga tao na makatutulong sa pagbibigay ng katatagan sa kabila ng mga suliranin ngayong pandemya.
“Tutulong tayo [simbahan] sa abot ng ating makakaya. Lalong lalo na sa pagpapalaganap ng kamalayan dito sa Infection Prevention and Control, importante ‘yan. At ‘yung building resiliency ng community sa pamamagitan ng pagpapalalim ng buhay pananampalataya,” ayon sa pari.
Muling ipinagpaliban ang mga pampublikong pagdiriwang ng mga banal na misa sa mga Diyosesis na sakop ng NCR, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan bilang pagtalima sa kautusan ng Inter-Agency task for Force for Emerging Infectious Disease.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, naitala ang 8,019 na panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa; habang 103-katao ang gumaling at 4 naman ang mga nasawi.