169 total views
Higit pang tumaas ang bilang ng mga taong nangangailangan ng gabay sa kanilang kalusugang pangkaisipan kasabay nang muling pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo sa coronavirus disease.
Ito’y batay sa crisis hotline ng National Center for Mental Health (NCMH), kung saan aabot na sa humigit kumulang 1,000 tawag ang kanilang natanggap nitong Abril, kumpara sa 300 at 350 na tawag noong nagsimula ang operasyon nito noong Mayo nang taong 2019.
Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Victor Sadaya, CMF, Executive Director ng Porta Coeli Center for Psychotrauma Management and Counseling na ang sanhi ng pagtaas ng bilang ng mga nakararanas ng anxiety at depression ay dahil sa labis na pag-iisip o pag-aalala sa mga nangyayari sa kapaligiran.
Inihayag ni Fr. Sadaya na siya ring General Manager ng Radio Veritas Asia na kaya ito nararanasan ng tao ay dahil kulang pa rin ang kaalaman ng mga tao sa epektong dulot ng krisis pangkalusugan.
“Ang dahilan n’yan ay ang fear and ignorance na hindi pa rin nawawala sa mga tao kahit na isang taon na ang nakalipas magmula noong lumaganap ang COVID-19… Kumbaga may mga taong hindi pa rin sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa COVID pero nandoon yung takot nila sa virus,” bahagi ng pahayag ni Fr. Sadaya sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy din ni Fr. Sadaya na mas tinutukan ng pamahalaan ang pagpapalaganap sa wastong pagsunod sa mga alituntunin upang maiwasan ang pagkahawa at pagkalat ng virus.
Aminado ang Pari na mahalaga ito subalit dapat ding pagtuunan ng pansin ang usapin ng mental health na malaki rin ang epekto sa pagkakaroon ng mga malalang karamdaman tulad ng COVID-19.
Tinitingnan ding dahilan ng pagkakaroon ng depresyon ay ang epekto ng pandemya sa ekonomiya ng bansa kung saan ang mga higit na naapektuhan ay ang mga nasa mahihirap na komunidad.
Karamihan sa mga Filipino ang nawalan o tuluyan nang natanggal sa trabaho magmula noong unang ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine noong Marso 2020.
“Kaya rin tumaas ang mental health issue kasi yung sa kawalan ng trabaho… Hindi rin nila alam kung paano nila matutugunan ang pangangailangan ng pamilya nila,” ayon sa pari.
Sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority, 9.1 milyong Filipino ang nawalan ng trabaho mula Marso 2020 hanggang Pebrero 2021 bunsod ng pagsasara ng mga negosyo dahil sa pagkalugi at epekto ng pandemya. Binigyang-diin naman ni Fr. Sadaya na malaki pa rin ang maitutulong ng pagbubukas ng mga simbahan sa mga taong dumaranas ng depresyong dulot ng pandemya.
“Ayon nga sa Veritas Truth Survey, 9 out of 10 na Filipino ay binibigyan pa rin ng halaga ang spiritual life kapag nahaharap sa mga problema. So, kung magkakaroon pa rin ng decline sa appreciation for religious spiritual life, i-expect mo na tataas din ang mental health issue na ‘yan, kasi hindi lang ‘yan psychological e kasi spiritual din ‘yan,” pagbabahagi ng pari.
Hiniling naman ni Fr. Sadaya sa pamahalaan na magpatupad ng komprehensibong plano hinggil sa pagtugon sa usapin ng mental health katuwang ang mga pribadong ahensya upang higit na matutukan at matulungan ang mga nawawalan na ng pag-asa bunsod ng pangkulusugang krisis.
Sa mga nababagabag o nakakaranas ng depresyon, maaaring tumawag sa NCMH crisis hotline number na 1553; sa Globe/TM Subscribers naman ay sa 0917-899-8727 at 0966-351-4518; at sa Smart/Sun/TNT subscribers sa 0908-639-2672.