331 total views
Umaasa ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines na ganap na kilalanin ng pamahalaan bilang fronliners ang mga madre at mga nagtalaga ng kanilang sarili sa buhay konsakrato.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angel Cortez, marami sa mga lingkod ng Simbahan na maituturing na Church frontliners ang sinusuong din ang panganib ng COVID-19 pandemic upang maipahatid at maipadama sa mga nangangailangan ang pagmamahal at awa ng Panginoon.
Ipinaliwabag ng Pari na dapat ring kilalanin ang pagsusumikap ng lahat na mapagaan ang nararanasang paghihirap ng mga kapus-palad at mga nahawaan ng virus na lubos na apektado ng pandemya.
“Tayo ang Simbahan, kabahagi ng Simbahang ito ang mga layko at nagtalaga ng kanilang buhay sa pagpapari at pagmamadre at buhay konsakrato. Marami sa kanila ang sinusuong ang delikadong sitwasyong ito upang maihatid ang mainit na pagmamahal ng Diyos lalong lalo sa mga kapus palad, maging sa gawaing pang esperitwal man o kawang gawa. Sila ang mga tinatawag nating Church frontliners na handang magbigay ng sarili na hindi nag-aantay ng kapalit.” pahayag ni Fr. Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Panawagan ng Pari ang pagkilala sa lahat ng lingkod ng Simbahan bilang mga frontliners at bigyang halaga lalo na sa kasalukuyang vaccine program ng pamahalaan.
“Panawagan po sa gobyerno na huwag naman kalimutan ang mga taong Simbahan na nagbibigay ng kanilang serbisyo para sa Diyos at para sa bayan. Kilalanin po natin sila at nawa’y masama sa A4 na nararapat sa kanilang ginagampanan. Salamat po sa pakikinig at pang unawa.” Dagdag pa ni Fr. Cortez.
Batay sa pinakabagong inaprubahang priority group ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ay ang pagkakapabilang sa A4 priority group ng mga guro, commuter transport workers, market vendors, mga kawani ng mga grocery stores, supermarkets, mga kabilang sa mga delivery services kasama na rin ang mga pari, rabbis at iba pang mga lider ng iba’t ibang denominasyon, media workers, Overseas Filipino Workers at mga security guard sa mga ahensya at organisasyon na itinuturing na priority industry ngayong panahon ng pandemya.