164 total views
Nanawagan si Camillian Priest Fr. Dan Cancino, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care sa administrasyong Duterte na palaganapin ang iba’t-ibang impormasyon kaugnay sa COVID-19 vaccine.
Ito’y upang lalo pang mapaigting ang kaalaman at tiwala ng publiko lalo na’t ang karamihan ay nangangamba pa ring magpabakuna dahil sa maaaring maging epekto nito sa katawan ng tao.
“Importante rin talaga ‘yung totoo. ‘Yung katotohanan lang ang ilabas tungkol sa mga COVID vaccines na ito. Hindi lang ‘yung efficacy, pero kaakibat nun pati ‘yung mga adverse reactions nila [vaccines]. Dapat ilabas lahat ‘yung impormasyon na ‘yun para ‘yung tao din ay mas maging maalam at ‘yung desisyon ng mga tao ay guided,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito isinagawa na ng CBCP Healthcare Ministry noong Marso 1 ang unang yugto ng webinar na Ating Alamin: Bakuna sa COVID-19 na layong hikayatin ang publiko na makiisa sa panawagan ng pamahalaan at simbahan na magpabakuna laban sa virus.
Muli namang magpapatuloy sa Marso 4, sa ganap na alas-10 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ang ikalawang yugto ng nasabing webinar. Kabilang sa magiging tagapagsalita rito sina Dr. Maria Cristina Alberto na isang Community Pediatrician at Founder ng Hope In Me Club; at Dr. Jemelyn Garcia mula sa Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases.
Magbabahagi rin dito ang Chairman ng CBCP-Healthcare Ministry Naval Bishop Rex Ramirez; CBCP President Davao Archbishop Romulo Valles; at CBCP Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David.