438 total views
Igiinit ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na dapat maging prayoridad ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental ang pagsusulong sa renewable energy sa halip na patuloy na mamuhunan sa fossil gas.
Ito ang tugon ni Bishop Alminaza, convenor ng REpower Negros hinggil sa hamon ni San Carlos City Mayor Renato Gustilo sa mga tumututol sa 300 Megawatt liquified natural gas (LNG) project ng San Miguel Corporation sa lalawigan.
Hinamon ni Gustilo ang mamamayan na kung talagang tutol ang mga ito sa fossil fuel ay dapat simulan na rin nilang itigil ang pagtangkilik sa kanilang mga ginagamit na kuryente.
Sang-ayon naman si Bishop Alminaza sa sinabi ng alkalde ngunit ito ang matagal nang panawagan ng mamamayan ng Negros na dapat tutukan ng lokal na pamahalaan.
“That residents of San Carlos and the province have no choice but to rely on dirty energy is something which we have been lamenting about for long, and is precisely the problem that we are asking him to help address,” pahayag ni Bishop Alminaza na siya ring vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – NASSA/Caritas Philippines.
Ang Negros Island ay tinaguriang renewable energy capital ng Pilipinas na may power generation plants na lumilikha ng halos 100 porsyento ng malinis na enerhiya.
Iginiit ni Bishop Alminaza na lumilikha ang Negros Island ng malaking kapasidad ng malinis na enerhiya, gayunman hindi ito lubos na nagagamit at napapakinabangan ng mamamayan.
“Allowing LNG to enter our shores diverts our attention from maximizing truly sustainable energy while subjecting host communities and the environment – including the bountiful marine life of Tañon Strait – to pollution and disturbance, as well as an intensifying climate crisis,” dagdag ni Bishop Alminaza.
Matagal nang nananawagan si Bishop Alminaza kasama ang ilang grupo laban sa LNG projects ng San Miguel Corporation gayundin sa hiling na bawiin ang resolution of non-objection (RONO) mula sa Sangguniang Panlalawigan, na hindi makatwirang ibinigay para sa proyekto.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si’ ang pagpapalawak ng paggamit sa renewable energy upang matugunan ang kakulangan sa kuryente, at palitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.