283 total views
Pinag-aaralan ng pamahalaan ng Pilipinas na itaas sa 80 mula sa 70-porsyento ang bilang ng mga bibigyan ng COVID-19 vaccine dahil sa patuloy na banta ng mas nakakahawa at mapanganib na COVID-19 Delta variant.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nangangahulugan itong maaari nang makatanggap ng bakuna laban sa virus ang mga indibidwal na nasa edad 18 pababa.
Gayunman, titiyakin muna ng pamahalaan na sapat ang bilang ng suplay ng mga bakuna, maging ang bisa nito bago ito ipamahagi sa mga kabataan.
“Pinag-aaralan pa ‘yan. We are cognizant of the fact that we really need to increase our targets but we will need to look at our vaccine supply and also at the efficacy of the different vaccines that will be considered,” ayon kay Cabotaje sa isinagawang online forum.
Samantala, sinabi naman ni DOH official Dr. Eric Tayag na sa kasalukuyan ay ang Pfizer vaccine pa lamang ang inaprubahan sa bansa na maaaring ibakuna sa mga kabataan, ngunit wala pa itong pormal na kautusan na maaari nang simulan ang pamamahagi nito.
Pagbabahagi ni Tayag na sa China ay sinimulan nang gamitin ang Sinovac vaccine para sa mga batang may edad na tatlong taong gulang, habang sa ibang mga bansa naman ay pinag-aaralan na ang Pfizer vaccine upang ipamahagi para sa mga nasa edad na dalawang taong gulang.
“Ang naaprubahan lang dito [sa Pilipinas] ay Pfizer, subalit sa bansang China, ‘yung Sinovac ginagamit na sa as young as three years old. Sa ibang bansa naman, nagsasagawa na ng pag-aaral yung Pfizer, gusto nila magsimula sa two years old,” pahayag ni Tayag sa panayam ng Radio Veritas.
Sa kasalukuyan, hinihikayat ng DOH ang mga kabataan na manatili sa tahanan upang hindi mahawa ng COVID-19.
Hinimok din ng opisyal ang bawat mamamayan na agad nang magpabakuna upang matiyak ang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19 lalo’t higit sa banta ng mas mapanganib na Delta variant.
Batay sa huling ulat ng DOH, umabot na sa mahigit 20-milyon ang naipamahaging COVID-19 vaccine sa bansa, kung saan 11-milyon dito ang nakatanggap na ng unang dose, habang nasa higit 9-milyon naman ang nakatanggap na ng ikalawang dose at kumpleto na sa bakuna.
Umabot na rin sa kabuuang bilang na 216 ang kaso ng Delta variant sa bansa, kung saan 94 dito ang mga gumaling at 3 naman ang naitalang nasawi.