462 total views
Nagpapasalamat si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa pamahalaan sa pagkilala sa mga pari at relihiyoso bilang frontliners. Ayon kay Bishop David na siya ring vice-president ng Catholic Bishops Conference of the Philippines dahil dito ay kabilang na rin ang mga pari sa mga priority na tatanggap ng bakuna laban sa Covid-19.
“Because we are recognized as frontliners ay na-prioritize na rin tayo sa pagbabakuna,” ayon kay Bishop David.
Ayon sa Obispo sa kasalukuyan ay ilang mga pari na rin ang mga nabakunahan sa bawat diyosesis upang mas ligtas na maipagpatuloy ang kanilang mga gawain bilang tagapagpahayag ng salita at kalinga ng Panginoon.
“Importante yun e. So, that if you deploy them ay less na ang risk. At totoo naman na kahit na nabakunahan ka na pwede ka pa ring ma-infect pero atleast ang severity nung infection ay hindi sya kasing fatal or deadly kapag may bakuna na ang tao,” paliwanag ni Bishop David.
March 30 ng matanggap ni Bishop David ang 1st dose ng AstraZenica vaccine mula sa lokal na pamahalaan ng Caloocan. Bukod kay Bishop David, kabilang din sa mga nagpabakunahan sina Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara; Baguio Bishop Victor Bendico, Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo; at Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos na ang karamihan ay kabilang din sa priority list bilang mga senior citizen.