221 total views
Tungkulin ng pamahalaan na bigyan ng malawak na oportunidad ang mga mamamayan upang makapamuhay ng masagana at mai-angat ang buhay mula sa kahirapan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa inilabas na resulta ng isinagawang pag-aaral ng National Economic and Development Authority na “Ambisyon Natin 2040 Survey”.
Ayon sa Pari, ang pamahalaan ang pangunahing nagbibigay oportunidad sa bawat mamamayan upang magkaroon ng magandang buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng permanenteng hanapbuhay o trabaho sa halip na turuan ang mga mahihirap na pamilyang umasa sa dole out na kaloob ng pamahalaan.
Dahil dito, hinimok ni Father Secillano na tiyakin ng pamahalaan ang patuloy na pagpasok ng mga mamumuhunan sa bansa na makapagbibigay ng dagdag oportunidad sa larangan ng paggawa sa mga mamamayan.
“Iyon din sana ang inaasam natin sa pamahalaan. Although may mga nagsasabi na ang pamahalaan hindi naman dapat nagpoprovide din ng trabaho, ang pamahalaan ay nagbibigay lang ng opportunity, kumbaga yung tinatawag lang natin na enabler sya, so you get the so called mga tinatawag natin na mga investors, tapos meron tayong magandang business climate environment para talagang nabibigyan din ng pagkakataon yung mga ordinaryong mamamayan na kumita hindi lang yung mga dole out, dole out na ginagawa halimbawa ng DSWD yung 4Ps, so compensated. Nandoon yung gobyerno taking the lead beacause they have the power to do that…” pahayag ni Father Secillano sa panayam sa Radio Veritas.
Batay sa resulta ng pag-aaral ng NEDA, kinakailangan ng 120-libong pisong gross monthly income ng isang pamilya na binubuo ng apat na miyembro upang makapamuhay ng simple at kumportable batay na rin sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo ngayong taon.
Sa panlipunang turo ng Simbahan, kailangang may batayang moral ang anomang uri pagtataas o halaga ng presyo ng bilihin sa merkado at hindi dapat ito makakaapekto sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.