507 total views
Umaasa pa rin ang Gobyerno na may makukuhang buhay mula sa mga gumuhong minahan sa Benguet.
Ito ayon kay Presidential Adviser on Political Affairs Secretary Francis Tolentino, In-Charge ng Disaster response for Typhoon Ompong kaugnay sa patuloy na isinagawang rescue at retrieval operation partikular sa Itogon, Benguet at Baguio City.
“Im not giving up hope kasi marami namang mga incident na kahit na two weeks may survivor pa,” ayon kay Tolentino.
Sa tala, may 81 na ang bilang ng mga bangkay na nakukuha habang higit pa rin sa 50 ang nawawala.
Tiniyak din ng kalihim ang pagbibigay ng pagbababasbas ng mga pari sa oras na makita at makilala ang mga bangkay mula sa guho.
Bukod dito, isinaayos na rin ng kalihim ang sistema ng paghuhukay sa pamamagitan ng paghahati-hati ng mga lugar sa mga Pulis, Sundalo, Bumbero at mga Volunteers kasabay na rin ang pagdaragdag ng mga canine na tutulong para sa paghahanap ng mga katawan.
Sa ganitong paraan ayon sa kalihim ay mas mabilis ang paghahanap at ang pagkakataon na makakuha pa ng mga ‘Survivor’.
Una na ring nagpahayag ang simbahan ng pasasalamat sa lahat ng mga volunteers na nagtutulong-tulong sa mga biktima at isang paraan din ng pakikiisa at pagmamalasakit sa kapwa.
Sa pahayag ni Davao Archbishop Romulo Valles, Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, nawa ang presensya ng mga nagmamalakasakit ay magbigay din ng lakas ng loob sa mga naapektuhan ng bagyo.