244 total views
Nanawagan ang Ecology Ministry ng Diocese of Lucena sa lokal na pamahalaan nito na itigil na ang pagtatayo ng karagdagang Coal Fired Power Plants sa lalawigan.
Ayon kay Fr. Warren Puno, head ng Ecology Ministry, maipakikita ng mga pinuno ng pamahalaang lalawigan ang tunay na malasakit nito sa bayan kung hindi nito hahayaang maitayo ang karagdagang planta sa Quezon.
Iginiit ng pari ang masasamang epekto nito sa kalusugan at kalikasan na sisira sa agrikultura na makakaapekto sa kabuhayan ng mamamayan.
Dahil dito, iginiit niyang dapat itigil na ang business as usual na kalakaran at unahin ang kapakanan ng mamamayan.
“Sa mga namumuno sa mga bayan at lalawigan dito sa lalawigan ng Quezon, quota na po tayo sa coal-fired power plant dito sa lalawigan kaya nakikiusap po kami huwag na po ninyo aprobahan ang mga proyektong iyan. Ipakita po ninyo ang inyong malasakit sa mga mamamayan. Tama na po ang business as usual.” Pahayag ni Father Puno.
Hinimok din ni Fr. Puno ang mamamayan na kumilos at makiisa sa pananawagan sa pamahalaan upang mapigilan ang pagtatayo ng mga coal fired power plants.
Ginawa ng Pari ang panwagan kasabay ng isang linggong pagkilos ng mga makakalikasang grupo bilang pakikiisa sa Global Climate Strike na sinimulan noong ika-20 ng Septyembre.
Natukoy na isang 455 Megawatt coal fired power plant ang itatayo ng San Buenaventura Power Ltd. Co. sa Mauban Quezon.
Una nang inihayag ng kanyang kabanalan Francisco sa Encyclical na Laudato Si, ang panawagan sa mga pinuno ng bawat bansa na magtakda ng mga polisiyang magpapatigil sa paggamit ng coal plants at fossil fuels na sumisira sa kalikasan.