261 total views
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin sa mga Kawikaan 25:4-5 na kapag nawala sa kapangyarihan ang masasama, iiral ang katarungan sa bayan. Kaya naman, napakahalagang sa darating na eleksyon, pakinggan natin ang ating konsensya at piliin ang mga lider na hindi man perpekto ay nagsusumikap namang maging matuwid, makatarungan, at patas. Piliin natin ang mga lider na may integridad—mga kumikiling sa mabuti at iwinawaksi ang mali. Sabi pa rin sa mga Kawikaan 16:12, “’Di dapat tulutan ng isang pinuno ang gawang kasamaan, ‘pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan.”
Mahalagang saligan ng katarungan ang katotohanan. Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan na tungkulin ng bawat isa sa ating kumilos patungo sa katotohanan, ang igalang ito, at maging responsableng saksi rito. Kung ang ating pamumuhay at pakikipag-ugnayan sa ating kapwa ay nakabatay sa kung ano ang totoo at tama, nagiging makabuluhan ang mga ito at samakatuwid ay naitataguyod ang ating dignidad. Ang pagkilala sa dignidad natin at ng ating kapwa ang mag-uudyok sa ating kumilos para tiyaking lahat ay makapamumuhay sa isang makatarungang lipunan—walang iniiwan, walang isinasantabi, walang inaapakan.
At malaki ang papel ng mga pinuno ng bayan upang mapangalagaan ang katotohanan at umiral ang tunay na katarungan. Naniniwala tayong matalino ang mga botanteng Pilipino, bagamat marami silang lehitimong isinasaalang-alang kapag pumili ng mga lider. Ngunit huwag sana nating kalimutang piliin ang mga kandidatong hindi nagsisinungaling, hindi naghahangad ng kapangyarihan para sa sariling interes, at hindi nabubuhay sa karangyaang bunga ng kawalang-katarungan.
Madali lang namang gawin ito.
Halimbawa, kung nagagawa ng isang kandidatong magsinungaling tungkol sa kanyang edukasyon upang palabasing mataas ang kanyang pinag-aralan, hindi kaya mas malaki ang mga kasinungalingang kanyang gagawin kapag namumuno na siya? Kung nagagawa ng isang kandidatong lumusot sa batas katulad ng hindi pagbabayad ng tamang buwis, anong kabaluktutan kayâ ang kaya niyang gawin kapag tangan na niya ang kapangyarihan sa pamahalaan? Kung nagagawa ng isang kandidatong magpakalat ng maling impormasyon upang pagtakpan ang pagnanakaw na ginawa ng kanilang magulang, makaasa ba tayong magiging tapat siya sa kanyang posisyon?
Sa huli, ang kahihinatnan ng ating bayan ay hindi lamang nakasalalay sa ating mga lider. May kasabihan nga, “The government you elect is the government you deserve.” Sa Filipino, ang pamahalaang ating inihahalal ay ang pamahalaang nararapat sa atin. Anong tingin mo rito, Kapanalig?
Nararapat ba sa atin ang isang pamahalaang hindi pinahahalagahan ang katotohanan? Nararapat ba sa atin ang mga pinunong sinungaling at lumalabag mismo sa ating mga batas? Nararapat ba sa atin ang gobyernong harap-harapan tayong ninakawan? Kung “oo” ang iyong sagot sa mga tanong na ito, ano kaya ang sinasalamin nito tungkol sa ating mga pinapahalagahan? Kung “hindi” naman ang iyong sagot, anu-ano ang mga kaya nating gawin upang magkaroon tayo ng pamahalaang tunay na nararapat sa atin?
Sa dami ng krisis na pinagdaanan natin nitong mga nakaraang taon at hanggang sa kasalukuyan—mula sa kaliwa’t kanang patayan sa ngalan umano ng kapayapaan hanggang sa pandemyang nagdulot ng matinding pagdurusa sa marami sa atin—tunay na kritikal ang paparating na halalan. Naghahanap ang ating bayan ng mga pinunong huwaran ng pagtataguyod ng katotohanan, mga pinunong tunay na maglilingkod para sa isang makatarungang lipunan, mga pinunong magbibigay sa atin ng inspirasyong kumilos para at kasama ang ating kapwa.
Mga Kapanalig, bitbitin natin ang paalalang ito ni Pope Francis noong bumisita siya sa Pilipinas noong 2015: “It is now, more than ever, necessary that political leaders be outstanding for honesty, integrity, and commitment to the common good.” At mangyayari lamang ito kung ang mga iboboto natin ay tapat, may integridad, at tunay na may malasakit sa kabutihan ng lahat.