205 total views
Walang malalim na pundasyon ang inihaing solusyon ng Department of Health na pamamahagi ng condoms sa mga kabataan sa loob ng eskwelahan sa susunod na taon.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Cunegundo Garganta – Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth, kaugnay sa hakbang ng DOH upang mapigilan ang pagkalat ng sakit na HIV/AIDS
Ayon sa pari, kailan man ay hindi tatanggapin ng simbahan ang solusyon na paggamit ng condom upang mapigilan ang pagkahawa ng sakit.
“We will appeal na magkaroon sila ng mas malawak na engagement sa community to dialogue and explain na itong mga sitwasyon na ito ay hindi lamang ito yung paraan na kanilang gamitin kasi short term ito, wala itong malalim na magiging pundasyon,” pahayag ng pari sa Radyo Veritas.
Naniniwala si Fr. Garganta, na kinakailangan ng masmalalim na pagbibigay kaalaman ng mga eskwelahan sa mga kabataan upang maipaunawa ang moralidad ng kanilang pagkatao.
Dagdag pa ng Pari, mahalaga rin na maunawaan ang kapangyarihan ng mga bahagi ng katawan ng tao upang mapangalagaan ang dignidad at dangal ng ating katawan.
“In the church and for our schools [we will] continue to educate and form people in the faith specialy young people about the dignity of every person the theology of the body. Isa itong mas matibay na paraan para maintidihan ng isang tao yung kahalagahan ng pagiging tao at yung kanyang dangal. Then the powers that are attach to it as a gift, kasama na dun yung kapangyarihan nung paggamit ng mga bahagi ng katawan yung sexual na component ng bawat tao . There has to be a clear understanding about the dignity of a person and the theology of the human body.” dagdag pa ni Fr. Garganta.
Batay sa ulat ng DOH, simula 1984 hanggang October 2016 umabot na sa 38, 114 ang kaso ng HIV/AIDS sa Pilipinas kung saan 10, 279 dito ay mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24 ang biktima.