449 total views
Tiniyak ng bagong talagang kalihim ng Department of Agrarian Reform na ipagpatuloy ang mga programa ng kagawaran sa kapakinabangan ng mga magsasaka.
Ayon kay Agrarian Secretary Bernie Cruz mahalaga ang ‘continuity’ sa paglilingkod sa mga benepisyaryo ng DAR programs na pinasimulan ni dating DAR Secretary Bro. John Castriciones.
Binigyang diin ni Cruz na pangungunahan sa ilalim ng kanyang pamamahala ang paghhatid ng kaunlaran sa mga kanayunan at tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka.
“Sa ilalim ng aking liderato, dodoblehin ng ahensya ang pagsisikap na maipamigay ang mga natitirang lupa sa mga magsasakang walang lupain, ang pagkakaloob ng suportang serbisyo sa mga Agrarian Reform Beneficiaries at pagbibigay ng hustisyang panlipunan sa mga agrarian reform communities,” pahayag ni Cruz.
November 8 nang pormal na isinalin ni Castriciones ang pamumuno ng DAR kay Cruz sa seremonyang ginanap sa DAR Central Office sa Quezon City na sinaksihan ng mga kawani ng kagawaran.
Sa mensahe ni Castriciones pinasalamatan nito ang mga kawani ng DAR na katuwang sa pamumuno sa nakalipas na halos limang taon mula ng italaga ng Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.
Habilin ng dating kalihim kay Cruz ang pagpapatuloy sa mga nasimulang proyekto lalo’t halos pitong buwan na lamang ang nalalabi ng kasalukuyang administrasyon.
Si Cruz ay dating undersecretary ng foreign assisted at special projects office ng DAR bago italagang kalihim.
Malaki ang papel ng tanggapan ni Cruz sa pag apruba ng World Bank sa Support to Parcelization of Land to Individual Title o SPLIT project ng DAR na layong mabigyan ng kanya-kanyang titulo ng lupa ang mahigit isang milyong ARB na sakop ng collective certificates of land ownership award (CCLOA).