193 total views
Mga Kapanalig, upang tawagin ang pansin ng pamahalaan sa kanilang nararanasang pagod at kakulangan sa natatanggap na benepisyo at proteksyon sa kanilang pagtatrabaho, ilang beses nang nagsagawa ng mapayapang protesta ang ilang health workers nating naglilingkod sa mga pampublikong ospital. Ang grupong Medical Action Group ay tahasang tinuligsa sa kanilang pahayag ang kapabayaan ng administrasyong Duterte sa pangangasiwa ng nagpapatuloy na krisis pangkalusugan. Para pa sa mga kasapi nitong doktor, nars, at iba pang propesyunal, walang karapatan ang pangulong tumakbo pa sa pagkapangalawang pangulo dahil bigo ang mga kasalukuyang patakaran nito na tugunan ang pandemya at tadtad pa ang mga ito ng anomalya.
Sa halip na sagutin nang maayos ang mga isyung inilalahad ng mga health workers at bigyang-linaw ang mga sinasabing kakulangan ng administrasyon, minaliit ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Secretary Harry Roque ang mga hinaing at puna ng mga nagpoprotestang health workers. Saang planeta raw ba nakatira ang mga health workers na puná nang puná kay Pangulong Duterte? Katwiran pa niya, buong mundo naman daw ang “sinasalanta” ng COVID-19. “Nirerespeto” naman daw ng tagapagsalita ng pangulo ang opinyon ng mga aniya’y “[walang] mabuting masabi tungkol [sa pangulo].”
Kung papatulan nila ang pasaring na ito ni Secretary Roque, baka nga mas gusto ng ating mga health workers na tumira na lang sa ibang planeta—kung pwede lang sanang mabuhay doon. Napakalaking sakripisyo na ang ibinibigay ng ating mga doktor, nars, at iba pang nagtatrabaho sa ating mga ospital na umaapaw sa mga pasyente ngayon. Buhay at kaligtasan nila ang nakataya. Mula nang magsimula ang pandemya, umabot na sa 103 na medical workers ang namatay sa Pilipinas, at marami ang mga nahawahan ng sakit ngunit bumalik pa rin sa paglilingkod. Sa halip na ibigay sa kanila ang nararapat at sapat na benepisyo—katulad ng meals, accomodation, at transportation allowances—ang naiisip na pagpapakita ng pagpapahalaga sa kanila ay ang pagpapatayo ng isang memorial wall sa Libingan ng mga Bayani.
Sabi nga sa Catholic social teaching na Mater et Magistra, ang bunga ng pagkukulang ng pamahalaan ay kaguluhang tila sakit na hindi malulunasan. Kung tunay na sapat ang ibinibigay na suporta ng pamahalaan sa ating mga medical front liners na silang nasa unahan ng ating laban sa COVID-19 at kung naging maayos ang pagtugon ng pamahalaan sa simula pa lamang ng pandemya, hindi siguro aabot sa mahigit dalawang milyon ang magkakaroon ng sakit na ito. Hindi siguro aabot sa mahigit 34,000 ang mamamatay sa COVID-19. Hindi siguro tayo mananatiling nasa lockdown nang napakahabang panahon at hindi marami ang magsasarang negosyo at mawawalan ng hanapbuhay.
Ngunit gaya ng ipinahihiwatig ng mga naging salita ni Secretary Roque, tila minamaliit lamang ng ating pamahalaan ang hirap na pinagdaraanan at kinasasadlakan natin. Kung isa ka sa mga health workers na pagod na pagod na sa pag-aasikaso sa mga nagkakasakit, ano ang dating sa iyo ng mga lumalabas sa bibig ng ating mga lider? Para pa kay Pangulong Duterte, hindi naman daw masyado ganoon karami ang namamatay sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa. Kung isa ka sa mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa COVID-19, ano ang mararamdaman mo sa mga salitang ito?
Mga Kapanalig, paalala nga sa Mga Taga-Efeso 4:29, “Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo’y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig.” Sa madilim, malungkot, at nakapanghihinang kalagayan natin ngayon, kailangan natin ng mga salitang magbibigay sa atin ng liwanag, pag-asa, at lakas. At kailangang may kaakibat na gawa ang mga salitang ito—mga gawang nagpapakita ng tunay na pakikiramay, hindi pagkamanhid; pagmamalasakit, hindi kawalang-pagpapahalaga.