180 total views
Mariing kinundena ni Diocese of San Pablo Laguna Bishop Buenaventura Famadico ang pamamaril kay Rev. Fr. Rey Urmenta na isang retiradong Military Ordinariate Chaplain.
“The Diocese of San Pablo condemns the incident that involves the shooting of the priest.”Bahagi ng pahayag ng Diocese of San Pablo
Nanawagan din ang Obispo sa mga Otoridad ng masusing imbistigasyon hinggil sa kaso upang mabigyang katarungan ang pagkakabaril kay Fr. Urmenta.
“We call on our authority to bring to justice those who did such action. We continuously pray for the immediate recovery of Fr. Rey.” panawagan ng Diocese of San Pablo
Ayon sa Obispo, malaki ang naiambag ng pari sa pangangailangang Pastoral ng mga mananampalataya sa Diyosesis sa pamamagitan ng paglilingkod sa ilang mga Parokya sa Calamba, Laguna.
“Fr. Rey Urmenta, though not incardinated to the Diocese of San Pablo, has contributed to the pastoral needs of our faithful by performing his priestly ministry in some parishes in Calamba, Laguna. After his retirement as chaplain in the Military Ordinariate of the Philippines, he opted to reside in Calamba.” ang pahayag ni Bishop Famadico.
Noong Miyerkules, ika – 6 ng Hunyo ng pagbabarilin ang pari ng hindi pa nakikilalang salarin habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan patungo sa isang Parokya para dumalo sa pagpupulong.
Sa paunang pahayag ng biktima sinabi nitong posibleng may kinalaman ang taong may pagkakautang sa kaniya.
Patuloy naman ang pulisya sa pag-iimbistiga sa kaso upang matukoy ang motibo sa pamamaril at agad madakip ang mga salarin.
Si Fr. Urmenta na ang ikatlong paring biktima ng pamamaril sa nagdaang anim na buwan kung saan noong ika – 4 ng Disyembre 2017 ay pinaslang si Fr. Marcelito Paez sa Jaen Nueva Ecija habang pinaslang din si Fr. Mark Anthony Ventura noong ika – 29 ng Abril sa Gattaran Cagayan pagkatapos ng pagdiriwang ng Banal na Misa.
Sa tala ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) mula Administrasyong Marcos hanggang sa kasalukuyan administrasyon umaabot sa 16 na Pari ang biktima ng pamamaril kung saan si Fr. Urmenta lamang ang nakaligtas sa kamatayan.
Umaasa ang simbahang katolika na malutas ang mga kaso ng pagpaslang sa bansa at mabigyang katarungan ang bawat biktima.