208 total views
Nanangamba ang isang Obispo na mamamayani ang ‘police stigma’ sa mamamayan dulot ng mga nagaganap na karahasan kung saan nasasangkot ang mga pulis sa pagpaslang at katiwalian.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on the Laity, hindi dapat humantong sa ganito ang sitwasyon ng mga pulis lalu’t pinagsikapan na mapabuti ang kanilang imahe.
“Dapat hindi tayo humantong dyan. Ang tagal na sinikap ng pulis na gumanda ang kanilang image. Kaya nga tinanggal ang PC dahil naging masama ang imahe ng PC noong martial law. Ngayon PNP dapat sa civilian control, ngayon nawawala ang paggalang ng mga tao sa mga pulis marami ang takot sa mga pulis, hindi naman lahat ng pulis ay gumagawa nun, hindi karamihan ng pulis pero nadadamay ang image nila,” ayon kay Bishop Pabillo.
Unang binuwag noong 1986 ang Philippine Constabulary dahil sa pang-aabuso noong panahon ng martial law na pinalitan ng Integrated National Police bago itinatatag ang Philippine National Police (PNP) na kasalukuyang binubuo ng may 175 libong police at civilian personnel.
Naniniwala ang Obispo na hindi lahat ng pulis ay masama at tiwali bagama’t nadadamay lamang sa ilang mapang-abuso sa kanilang tungkulin.
Kaugnay nito, hinamon ni Bishop Pabillo ang PNP na patunayang mapaparuhasan ang mga lumabag sa batas maging ito ay mula sa kanilang hanay lalu na sa nagaganap na pagpaslang sa mga inosente at iharap sa batas ang mga sinasabing vigilante group na gumagawa ng extra-judicial killings sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
“Dapat panindigan nila yun na hulihin ang mga sinasabing cases under investigation ano ba ang naresolved nila yan, ipakitang may naresolve sila, may naparusahan sila. Sa ngayon wala silang ipinapakita. So ngayon lumalabas na sangkot sila doon or inefficient sila,” panawagan ni Bishop Pabillo.
Giit pa ng Obispo, hangga’t walang nahuhuli at napapanagot ay mawawalan na ng tiwala sa mga pulis ang publiko dahil ito ay pagpapakita na sila ay sangkot o di kaya ay walang kakayahan sa pagpapatupad ng batas.
Sa inilabas na pastoral letter ng CBCP hinggil sa extra judicial killings, hinimok ang mga sangay ng pamahalaan sa pagkakaroon ng mahusay na justice system para sa pagpapanagot sa mga nagkasala, pagtugis sa mga sindikato ng hindi magreresulta sa pagpaslang ng walang due process.