42,747 total views
Nagpahayag ng kagalakan ang implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity sa patuloy na pagsasagawa ng Walk for Life ng iba’t ibang mga institusyon ng Simbahan at diyosesis sa buong bansa.
Ayon kay Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Francisco Xavier Padilla, nakatutuwang makita ang mariing paninindigan ng mga layko sa buong bansa sa pagsusulong ng kasagraduhan ng buhay na kaloob ng Panginoon sa bawat nilalang.
Ibinahagi ni Padilla na ang Walk for Life ay hindi basta isang simpleng gawain na para lamang sa isang araw kundi isang paninindigan na dapat isabuhay at maipamalas ang pagiging maka-pamilya, maka-tao, at maka-Diyos ng mga Pilipino.
“Natutuwa kami sa Sangguniang LAIKO ng Pilipinas na patuloy ang pakikilahok ng mga tao sa mga lokal na Walk for Life. Gaya ng sinabi natin nung Walk for Life sa UST, eto ay hindi lang pang isang event, pero isang Commitment na pang araw araw. Nakikita natin ang Conviction ng mga LAIKO na kailangan natin ipakita sa iba na pro-life, pro-family at pro-God pa rin ang Pilipino.” Bahagi ng pahayag ni Padilla sa Radyo Veritas.
Matatandaang ika-17 ng Pebrero, 2024 ng isinagawa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang Walk for Life 2024 sa University of Santo Tomas kung saan pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na misa para sa may 4-na libong nakibahagi sa taunang gawain.
Sa ilalim ng pangkabuuang tema ng Walk for Life 2024 na “Together, We Walk for Life” ay nagsagawa rin ang iba’t ibang mga diyosesis ng lokal na pagkilos at paninindigan para sa kasagraduhan ng buhay na pinangunahan ng mga layko.
Noong ikalawa ng Marso, 2024 magkasabay na nagsagawa ng lokal na Walk for Life ang Diyosesis ng Imus at San Pablo habang pinangunahan naman ng Knights of Columbus ang pagsasagawa ng gawain sa Archdiocese of Cagayan de Oro at Diyosesis ng Butuan noong ika-16 ng Marso, 2024.
Sa parehong araw noong ika-16 ng Marso, 2024 ay pawang nagsagawa naman ng March for Life ang mga layko ng Arkidiyosesis ng Cebu at Jaro, gayundin ang Diocesan Council of District Deputies (DCDD) ng Diyosesis ng Novaliches katuwang ang Diyosesis ng Cubao.