27,244 total views
Piliin ang pagtulong sa kapwa sa halip na bumili ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
Ito ang mensahe ni Bureau of Fire Protection Post Chaplain Fr. FSINP Raymond Tapia, CHS ngayong bagong taon sa pagsalubong ng buong mundo higit na ng mga Pilipino sa bagong taon.
Binigyang diin ng Pari ang ‘Kindness over Firecrackers’ advocacy kung saan sa halip na mga paputok ay bumili na lamang ng pagkaing maibabahagi sa mga higit na nangangailangan tulad ng street dwellers.
“Sayang ang pera, yung ibibili mo ng paputok, ibili mo ng pagkain, ibigay mo doon sa mga namamalimos o walang makain ngayong araw na ito, that will be a better start for 2024, kindness is better than firecrackers,” pahayag ni Fr. Tapia sa Radio Veritas.
Hinimok din ng pari ang mga pamilya na magbuklod sa panalangin sa pagsalubong ng bagong taon upang ipagpasalamat sa Diyos ang mga biyayang tinanggap sa nakalipas na taong gayundin ang pagluhog para sa bagong taong 2024.
Iginiit ng pari na mahalagang iwasan ang mga paputok upang makaiwas din sa kaakibat na pinsala tulad ng sunog na ayon sa BFP nasa 24 na sunog ngayong taon ang may kaugnayan sa firecrackers.
Bukod pa rito ang panganib sa kalusugan at katawan gayong naitala ng Department of Health ang 107 kaso ng firecracker related injuries ngayong taon.
Tinuran din ni Fr. Tapia ang pinsala na maidudulot ng mga paputok sa kalikasan bunsod ng mga nakalalasong kemikal na sangkap ng mga paputok na makadadagdag sa suliranin ng climate crisis lalo’t pinangangambahan ng Pilipinas ang malubhang epekto ng El Nino phenomenon sa pagpasok ng 2024.
Paalala ng pari sa mamamayan ang mga turo sa ensiklikal na Laudato Si ni Pope Francis kung saan panawagan ng ‘Care for our Common Home’ sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
Samantala nakataas naman sa red alert status ang lahat ng himpilan ng BFP sa buong bansa sa pagsalubong ng bagong taon kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagliban sa tungkulin upang nakahanda ang mga kawani sa pagresponde sa emergency situation ngayong bagong taon.