151 total views
Patuloy ang Diocese of Novaliches at Kalookan katuwang ang support group na Rise Up For Life and For Rights ang pagkalinga sa naiwang pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Sa misang inorganisa ni Father Joselito Sarabia, CM sa Sto. Niño Parish Bagong Silang, Caloocan para sa mga biktima ng E-J-K at naulila nilang mahal sa buhay, hinihikayat ng Simbahan ang mga pamilya na magpakatatag at huwag mawalan ng pag-asa na matatamo rin ang hustisya at kapayapaan.
“We are journeying with them, nakikilakbay kami sa kanila tapos gina-gather namin sila para sa banal ng misa. Iyon ang nakita naming mahalaga sa pagbaba namin sa lebel ng parokya, ang pakikinig sa mga karanasan ng pamilya, balo at ulila, at least maramdaman nila na hindi sila nag-iisa sa mga ganoong kalagayan lalo na may judgment agad,” pahayag ni Father Sarabia sa Radio Veritas
Ibinahagi ng Pari na 400 sa sinasabing 7,000-kataong namatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte ay mula sa Sto. Nino Parish kaya dito idinaos ang ikatlong misa.
Unang isinagawa ang misa para sa EJK victims at mga naulilang mahal sa buhay noong Pebrero 2, 2017 sa Calendaria, Malabon at sinundan noong ika-2 ng Marso sa Baclaran Church.
Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang counseling services ng Rise Up For Life and For Rights, Father Sarabia at Psychological Association of the Philippines sa pamilya ng mga biktima ng E-J-K.
“We could be bring counseling services sa mga parokya na open at handa talaga magkalinga sa mga pamilyang ito. What’s important is we listen first and try to situate ourselves sa ganitong konteksto ng mga ejk tragedies,”dagdag pahayag ni Father Sarabia.
Unang nagpahayag ng pangamba ang Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa lumalaking bilang ng mga namamatay sa operasyon ng mga otoridad laban sa droga at nanawagan sa mga prosecutors at mga hukom na manatiling matibay sa pagpapairal ng batas.
Read: http://www.veritas846.ph/huwag-sumuko-sa-mga-naligaw-ng-landas-sa-droga-cardinal-tagle/
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika, hindi ang pagpatay bagkus pagtanggap sa taong nagkasala ang sagot sa tunay na katarungan.