1,882 total views
Tiniyak ng Arnold Janssen Kalinga Foundation ang patuloy na suporta sa pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.
Ayon kay Fr. Flavie Villanueva, SVD, ang tagapagtatag at pangulo ng organisasyon na layunin nitong tulungan ang mga naulilang pamilya sa paghilom bunsod ng biglaang pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.
“Napakahalaga ng ginagawa nating pagbabalik ng labi ng mga mahal nila sa buhay na ninakaw ng biglaan…The healing continues and bringing home the urns of their loved ones plays a very critical role in that process of healing.” pahayag ni Fr. Villanueva sa panayam ng Radio Veritas.
Batid ng pari ang sakit na nararanasan ng mga naiwang pamilya na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakamtan ang katarungan anim na taon makalipas ang pagpaslang.
“During the wake there was threat, there was trauma, there was no trust made available for them so that means they were unable to grieve.” ani ng pari.
Sinabi ng pari na ang Daluyan sa Paghilom sa ilalim ng Program Arise sa Paghilom Program ng mga SVD ay paraan ng simbahan sa pagpapadama ng diwa ng pag-ibig ni kristo sa mga nagdadalamhati.
Pinasimulan ni Fr. Villanueva ang Paghilom Program noong 2016 sa paglunsad ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan hinati ang programa sa pitong bahagi ang: vetting and its analysis, 9 Saturdays of Psycho-spiritual intervention; legal documentation; education and livelihood assistance for orphans and widows; capacity building for identified leaders and; project arise.
Kabilang sa Project Arise ang paghukay sa mga labi, autopsy sa pangunguna ni Forensic expert Dr. Raquel Fortun, cremation sa mga labi at turnover sa mga pamilya gayundin ang pagbibigay ng disenteng himlayan.
“Hopefully in 3 months we have finalize the design and renovated the structure we could bury the urns in batches in a columbarium and the first EJK memorial.” saad ni Fr. Villanueva.
Suportado ng pari ang patuloy na imbestigasyon ng International Criminal Court sa kaso ng EJKs sa bansa na ayon sa datos ng human rights groups ay humigit kumulang sa 30, 000 taliwas sa anim na libong tala ng PNP.
“Makakamit natin yung katarungan kapag sinimulan nating hilumin ang ating sarili nariyan ang Diyos para tayo ay gabayan at tulungan sa healing.” giit ni Fr. Villanueva.
Pinangunahan ni Fr. Villanueva ang pagbabasbas sa urn ng cremated remains ng anim na EJK victims sa Sacred Heart Shrine Parish sa Quezon City.
Naging panauhin din sa pagtitipon si The Netherlands Ambassador to the Philippines Marielle Geraedts na katuwang sa pag turnover ng mga urn.