316 total views
Nanawagan ang Rise Up for Life, Rise Up for Rights sa pamilya ng mga biktima ng drug-related killings at extra-judicial killings na dumalo sa isang forum bukas ika-11 ng Pebrero sa New Manila, Quezon City.
Tatalakayin sa pagtitipon ang mga hakbang at pamamaraan upang bigyang katarungan ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay at ipapanawagan ang makataong pagganap ng mga otoridad sa kanilang tungkuling sinumpaan.
Ayon kay Nardi Sabino – Lead Convenor ng grupo, ilang mga psychologist at abugado ang magkakaloob ng kanilang libreng serbisyo upang magabayan ang pamilya ng mga biktima ng War on Drugs ng pamahalaan na makamit ang katarungan sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
Ganap na ala-una ng hapon magsisimula ang pagtitipon sa number 60, 14th St. New Manila na dadaluhan rin ng ilang mga Pari upang magbigay ng spiritual counseling sa mga dadalo.
“May pagtitipon po yung mga pamilya ng napaslang kaya nanawagan kami sa mga kaparian natin, sa ating mga parokya na yun pong mga lumalapit sa kanila puwede po nilang padaluhin bukas ng ala-una dito po sa may CICM Provincial House at doon po ay meron po tayong mga kapatid na magtatalakay, yung mga psychologist saka po abugado para po paghahanda rin sa mga pwedeng gawin ng mga biktima , ng mga pamilya ng biktima po para sa ganun din po ay manawagan nang pagpapatigil ng mga pamamaslang sa ating bayan…” pahayag ni Sabino panayam sa Radio Veritas.
Sa tala ng PNP, bago suspendihin ang Oplan Tokhang ngayong Enero, tinatayang umaabot na sa higit 7-libo ang napatay, pitong buwan mula ng magsimula ang War on Drugs ng pamahalaan.
Una nang nagpahayag ng lubos na pagkabahala ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa umiiral na “reign of terror” sa malaking bilang ng mga napapatay na may kaugnayan sa War on Drugs ng pamahalaan.