994 total views
Naniniwala si Cebu Archbishop Jose Palma na sa pamilya magsisimula ang paghuhubog tungo sa matatag na ugnayan sa Panginoon.
Ito ang pagninilay ng Arsobispo sa katatapos na local celebration ng arkidiyosesis sa 10th World Meeting of Families.
Ayon kay Archbishop Palma, malaki ang tungkuling ginagampanan ng mga pamilya sa pagpayabong ng pananampalataya.
“Let us believe ang ating mga pamilya ay instrumento ng Panginoon na sa kabila ng pagiging marupok ng tao ay patuloy na naghuhubog tungo sa pagpapanibago,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Batid ng arsobispo ang iba’t-ibang hamong kinakaharap ng mga pamilya dulot ng makamundong pagnanasa kaya’t nararapat ang paglalakbay na nagbubuklod sa panalangin upang manatiling matatag.
Hinikayat ni Archbishop Palma ang bawat isa na magkaisang maglakbay alinsunod na rin sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Synod on Synodality.
“The values of the world tempt us in many varied ways and yet, despite of all of these temptations, today we declare: there is strength, there is grace, and there is hope sa atong lakaw because we know we have brothers and sisters who are willing to journey with us and to assure us that they are there to sustain us, to pray for us, to help us, to inspire us, and to support us niining atong panaw,” ani ng Arsobispo.
Dumalo sa isinagawang family congress ng arkidiyosesis ang mahigit isanlibong indibidwal mula sa iba’t ibang parokya bilang pakikiisa sa 10th World Meeting of Families na ginanap sa Roma kasama si Pope Francis.
Tema ng pagdiriwang ngayong taon ang ‘Family Love: A Vocation and a Path to Holiness’ na layong higit pagbuklurin ang bawat pamilya tungo sa mas matatag na pundasyon ng simbahan.
Sa pagtatapos naman ng pagtitipon sa Roma inanunsyo ni Cardinal Kevin Farrell, Prefect ng Dicastery for Laity, Family, and Life ang susunod na pandaigdigang pagtitipon sa 2028 habang ibinahagi ang pagkakaroon ng “Jubilee of Families” sa 2025 kasabay ng pagdiriwang ng simbahang katolika sa Jubilee Year.