26,678 total views
Nanindigan ang Alliance for the Family Foundation Philippines Inc. na makasisira sa pamilyang Pilipino ang pagsasabatas ng absolute divorce bill.
Ayon kay ALFI Vice President Atty. Joel Arzaga, sa diborsyo hindi lamang ang mga mag-asawang may suliranin sa pagsasama ang apektado sa pagbabago kundi ang bawat pamilyang Pilipino.
“Kung itong panukalang batas na ito ay maging parte ng ating legal system, babaguhin nito ang kahulugan at depinisyon ng kasal sa ating bansa at ang pagbabagong ito ay makakaapekto sa bawat pamilyang Pilipino dahil sa pag introduce ng absolute divorce bill aalisin nito ang isang napakahalagang elemento ng kasal, ang pagiging permanente,” pahayag ni Arzaga sa Radio Veritas.
Hindi isinantabi ni Arzaga ang mga kaso ng domestic abuse sa bansa ngunit iginiit na hindi diborsyo ang tugon sa suliranin kundi ang pagpapaigting sa mga programang magsusulong na higit mapatatag ang pagsasama ng mag-asawa nang may pagmamahal at pagkakaisa.
“Kung ang problema ay pananakit then let’s go to the root of the problem, maybe instead of introducing divorce bill that will create a lot of problems for the family, gumawa nalang ang estado ng iba’t ibang programs and policies that will help foster a healthy family relationship upang gawing mas handa ang mga magpapakasal,” giit ni Arzaga.
Matatandaang umuusad sa kamara ang House Bill 9349 o absolute divorce bill sa pangunguna ni Albay lawmaker Edcel Lagman na isa sa mga pangunahing may akda ng panukala.
Pangamba ni Arzaga na kung papaboran ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ang diborsyo ay mapipilitan ang senadong talakayin ang kaparehong panukala kaya’t apela nito sa mananampalataya na magkaisang ipanalangin ang kaliwanagan ng isip ng mga mambabatas.
“Sana po ang ating simbahan ang ating mga parokya, ang ating mga family and life groups ay dagdagan yung dasal natin para pigilan itong absolute divorce bill na ito at kung may pagkakataon tayo na kausapin ang ating mga mambabatas at ikombinsi sila na labanan itong absolute divorce bill ay gawin na natin,” apela ni Arzaga.
Sa panig ng ALFI nakahanda na itong makipagpulong sa mga mambabatas at ilahad ang resulta ng kanilang pananaliksik gayundin ang position papers na magpapakita sa negatibong epekto ng diborsyo sa pamilya at lipunan.
Una nang ibinahagi ng ALFI sa kanilang pag-aaral sa mga bansag may diborsyo ay patuloy na dumadami ang kaso ng paghihiwalay tulad sa Amerika na naitala ang 50 porsyentong paghihiwalay ng mga mag-asawa sa first marriage; 60 porsyento sa second marriage; at 70 porsyento sa third marriages.
Una nang nanindigan ang simbahan laban sa diborsyo na magpapahina sa pundasyon ng pamilya sa halip ay iginiit ang kasagraduhan ng kasal na ayon sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 19 talata anim ‘Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.