33,879 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) – Episcopal Commission on Family and Life ang bawat pamilyang Filipino na makibahagi sa paninindigan sa kasagraduhan ng buhay sa pamamagitan ng pakikiisa sa nakatakdang Walk for Life 2024.
Ito ang bahagi ng paanyaya ni Parañaque Bishop Jesse Mercado -chairman ng kumisyon kaugnay sa taunang gawain ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas na nakatakda sa ika-17 ng Pebrero, 2024.
Ayon sa Obispo, makabuluhan ang nasabing gawain na isang pagkakataon upang magsama-sama ang lahat sa paninindigan para sa kahalagahan ng buhay na kaloob ng Panginoon sa sangkatauhan.
“We encourage every Filipino family from young to the old, all family and life organizations and movements to join us in this meaningful event. Let us walk hand and hand not just as individuals but as a united force proclaiming the value of life and the importance of family, sa pagtutulungan natin ipakita natin po sa buong mundo ang halaga ng bawat buhay. Hinihiling natin ang inyong masigla at masusing pakikiisa sa Walk for Life 2024, tara na maglakbay tayo ng sama-sama para sa buhay at pagmamahalan.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Mercado sa Radio Veritas.
Samantala, naniniwala naman si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza – vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace na naangkop ang tema ng Walk for Life 2024 na ‘Together, We Walk for Life’ upang maisulong ang kaganapan ng buhay na ninanais ng Panginoon para sa bawat isa.
Paliwanag ng Obispo, dahil sa iba’t ibang salik tulad ng iba’t ibang krisis panlipunan at natural na kalamidad ay marami pa din ang hindi ganap na nararanasan ang kaganapan ng buhay na nagdudulot ng kahirapan sa mga mamamayan.
Giit ni Bishop Alminaza, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng bawat isa upang ipanalangin at isulong ang kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang ng Diyos.
“Ang tema ay ‘Together, We Walk for Life’ yung fullness of life na yun ang gusto ng ating Maykapal at dahil nakikita naman natin sa ating palibot marami pa ang hindi nakakaranas talaga ng fullness of life dahil naghihirap sila, at hindi lang tayong mga tao kundi lahat din kahit yung mga nilikha ng Panginoon, our common home ay parang marami ng napipinsala diba marami tayong nadidinig na maraming namamatay dahil dun sa baha, sa lindol, landslide, sa bagyo, even fire sunog. Ako I’m really asking for those who can join, to please join, to really not only to express publicly our commitment to life but even to offer sacrifice, prayer so that yung totoong buhay na pinaplano ng ating Panginoon para sa ating lahat ay makamit natin.” Pagbabahagi ni Bishop Alminaza sa Radio Veritas.
Nakatakda ang Walk for Life 2024 sa ika-17 ng Pebrero, 2024 mula alas-kwatro ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga na muling isasagawa sa pangalawang pagkakataon sa Pontifical and Royal University of Santo Tomas (UST).
Magsisimula ang paglalakad para sa buhay sa Welcome Rotonda, Quezon City patungo sa University of Santo Tomas (UST) Grandstand sa España, Manila kung saan magkakaroon ng maikling programa bago ang Banal na Misa na pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Inaasahan naman ang pakikibahagi sa gawain ng may 5,000 delegado mula sa iba’t ibang National Catholic Lay Organizations at mga diocesan Councils of the Laity ng mga kalapit na diyosesis kung saan inaasahan din ang pagsasagawa ng lokal na Walk for Life sa iba pang mga diyosesis sa bansa.